Advertisers
INIHAYAG ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may natukoy nang hindi bababa sa tatlong persons of interest (POIs) sa imbestigasyon kaugnay ng pagkalunod ng Ateneo basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Tumanggi si CIDG Director Major Geneneral Robert Morico II, na tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Gayunman, kinabibilangan aniya ito ng “school authorities” na nagdala sa basketball team sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 para sa isang team-building activity.
Ayon kay Morico, mahigit 20 indibidwal na ang pinadalhan ng subpoena kaugnay ng insidente, kabilang ang mga coach at player na kasama sa naturang aktibidad bilang bahagi ng imbestigasyon.
Tinitingnan din aniya ng pulisya ang posibleng paglabag sa Anti-Hazing Act of 2018.
Samantala, hiniling na rin aniya ng CIDG sa Department of Justice (DOJ) ang paglalabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban sa persons of interest, kasunod ng kaparehong kahilingan mula sa pamilya ni Baterbonia.