Advertisers
TIYAK na hindi magugustuhan at lalong hindi papayag ang kataas-taasang pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na gamitin ang pangalan ng kanilang kapatiran ng sinuman para sa kanilang pansariling interes, lalo pa kung ito ay sa pagpapatakbo ng labag sa batas at perwisyong operasyon ng paihi/buriki sa Barangay Ikirin, sa bayan ni Pagbilao Mayor Gigi Portes.

Dahil sa mabilis na pagsikad ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ay sinasamantala ng mga masasamang elemento sa ating lipunan na pagkakitaan ang namamayaning sitwasyon.
Kabilang sa mga elementong ito ay ang grupo ng isang alyas Amigo na nagpatayo ng kuta sa Brgy. Ikirin, sa bayan ng Pagbilao. Parang legal ang pagnanakaw ng grupo ni alyas Amigo ng krudo, gasolina, gas at Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa mga tanker at capsule truck ng mga suking magnanakaw na driver na nagbebenta ng paihi/buriking petrolyo pagkat hindi ang mga ito tinitinag nina Quezon PNP Provincial Director Col. Romulo Albacea at Pagbilao Police Chief Major Arjon Oxina?
May isa pang paihian/burikian si alyas Amigo sa Brgy. San Antonio, San Pablo City na na-raid may ilang buwan lamang nang umupo sa pwesto si PNP Region 4A BGen. Hansel Marantan. Ngunit wala pang isang linggo matapos ang raid ay muling nakapag-operate si alyas Amigo, gamit na sandalan ang pangalan ng Kapatiran.
Buriki o paihi ang tawag sa pagnanakaw nina alyas Amigo ng kargang petrolyo at LPG mula sa mga tanker at capsule truck at iniimbak ang mga nakaw na produkto sa kanilang kuta sa Brgy. Ikirin, Pagbilao, Quezon. Walang kamalay-malay ang mga may-ari ng trucking firm na sila ay iginigisa na sa sariling mantika at pinagnanakawan ng inaakalang mapagkakatiwalaan nilang mga tanker at capsule truck driver.
Binabayaran nina alyas Amigo ng sagad sa baba na presyo o halagang nakaw ang mga “palusot” na petrolyo sa kanilang kakutsabang truck driver at upang di mabuko ay binabantuan ng chemical na Methanol ang nabawas na mga petroleum product, kaya walang kahala-halata ang mga may-ari ng gasoline station na ang napa-deliver sa kanila ay may banto at adulterated. Ang mga LPG tank ay kulang naman sa timbang.
Ipinagyayabang ni alyas Amigo na isa siyang opisyal ng Iglesia Ni Cristo ng Lucena City locale at ng Pagbilao locale, sa Brgy. Mapagong sa bayan ng Pagbilao. Ayon dito, ay nakatimbre ang kanilang 24/7 na operasyon sa mga tanggapan ng PNP sa Camp Crame pati na sa mga opisina nina BGen. Marantan, Col. Albacea at Major Oxina?
Si alyas R. Villanueva ay matagal ding nagpatakbo ng paihi/buriki sa Batangas City. Sinikap ng SIKRETA na makipag ugnayan kay Brother Rene Panoncillo ang Minister of Gospel ng INC, Lucena City at sa pamunuan ng INC locale ng Pagbilao upang ipabatid ang illegal activity ni alyas Amigo, ngunit bigong makaugnayan ang mga naturang INC official.
Makaabot sana sa kaalaman at mapaaksyunan ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo, BGen. Marantan at Col. Albacea ang mga kabalbalang pinaggagawa ni alyas Amigo, na nakakasira hindi lamang sa imahe ng INC sa Lucena at Pagbilao at sa kabuuan ng Kapatiran, kundi maging sa PNP Region 4A, Quezon PNP Provincial Office at higit sa lahat ay kina Mayor Portes at Major Oxina. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144