Advertisers
HINILING ng House prosecution panel sa Senate Impeachment Court na buksan na ang selyadong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman ng umano’y tax records ni Bise Presidente Sara Duterte.
Ang naturang kahon ay isinumite noon ng BIR sa House Committee on Justice na nagpa-subpoena ng tax records ni VP Duterte subalit hindi ito pinabuksan sa Kamara bilang pagtalima sa non-disclosure provisions ukol sa mga tax records sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Sinabi ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, kabilang sa manifestation na kanilang inihain nitong Miyerkules ng umaga sa impeachment court ang pagbubukas na sa kahon na naglalaman ng tax records ng bise presidente.
Kabilang pa sa hiniling nila sa manifestation ang mga sumusunod:
1. Paggamit ng wikang English at Filipino sa paglilitis partikular sa direct, cross at redirect examination ng mga testigo para maintindihan ng mga manoood at makikinig ng impeachment trial.
2. Pagpayag na may isang public prosecutor o congressman prosecutor at isang private prosecutor sa presentasyon ng testigo dahil may mga testigo na malawak ang magiging testimonya.
3. Pagkakaroon ng three-day prior notice o tatlong araw na abiso ng magkabilang panig kung maghaharap ng dagdag na testigo o testigong wala sa listahan ng kanilang pre-trial briefs.
Iginiit naman ni De Lima na ngayon ang tamang panahon para buksan ang selyadong kahon dahil eksakto rin na ngayon ginagawa ang marking of evidence na ipiprisinta sa impeachment trial.
‘BIR box maaari makatulong sa alegasyon ng ‘unexplained wealth’ vs VP Sara’
INIHAYAG ni House impeachment lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky” Luistro na maaaring maglaman ng mahalagang ebidensya ang nakaselyong kahon mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, maaaring makatulong ang mga dokumento sa loob ng kahon upang mapatunayan o masuri ang mga paratang na hindi naideklarang yaman, kakulangan sa pagsisiwalat sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at umano’y hindi pagtalikod sa ilang interes sa negosyo.
Ang BIR box ay isinama sa rekord ng impeachment proceedings noong Abril ngunit nanatiling nakaselyo matapos magpasya ang House Committee on Justice dahil sa mga posibleng isyung legal kaugnay ng pagiging kumpidensyal ng tax records.
Ani Luistro, nais sana ng komite na buksan ang kahon noon, ngunit nag-ingat ito upang maiwasan ang posibleng paglabag sa mga probisyon ng National Internal Revenue Code.