Advertisers

Advertisers

SALUDO SA LTO OFFICER AT MGA KASAMAHAN NA MUNTIK KUYUGIN SA EDSA

0 5

Advertisers

Nakakatakot panoorin ‘yung mga naglabasang video sa social media kung saan makikita kung paano halos kuyugin ng mga nagra-rally sa People Power Monument sa EDSA ang isang grupo ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO), na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaking opisyal.

Ang komosyon ay nag-ugat sa pagsita ng mga taga-LTO sa isang sasakyan na nakaparada sa EDSA mismo.

Bukod sa MMDA, maging ang PNP ay nag-isyu ng order na bawal pumarada sa EDSA.

Bilang pagpapatupad sa mga kautusang ito ay inisyuhan ng taga-LTO angdriver ng nasabing sasakyan ng traffic violation ticket.

Lumlabas sa video na nagpasaklolo ang mga babaeng tauhan ng LTO dahil walang tigil ang paninigaw sa kanila ng mga nagagalit na ralyista.

Maya-maya pa ay dumating ang lalaking kasamahan nila na siyang nakipag-usap sa driver dahil nga nakaparada ito sa EDSA gayung malinaw naman na bawal doon magparada ang mga sasakyan.

May itinakdang paradahan ng kotse at may itinakda ding lugar na para sa mga tao lamang.

Sa kabila ng walang tigil na pambu-bully, paninigaw, pang-iinsulto at masasamang salita, di nagpatinag ang lalaking LTO officer. Sinigaw-sigawan din ito ng isang nagpakilalang konsehal.

Isinisigaw din ng nagpakilalang konsehal na ‘bangag’ ang presidente ng LTO officer.

Nakakabilib ang tapang ng LTO officer at kanyang mga kasamahang babae dahil hinarap nila ang galit ng mga tao para magawa lamang ang kanilang tungkulin na tikitan ang driver ng isang sasakyan na pumarada sa bawal na paradahan.

Nang komprontahin siya nung konsehal na walang tigil sa paninigaw at paulit-ulit pang tinawag na tuta ang taga-LTO, inakusahan din ang LTO officer ng pagiging ‘biased’ na mahinahon at magalang pa rin nitong sinagot ng ‘hindi po sir’.

Madami pang pasigaw na sinabi sa kanya ang mga taong nakapaligid at ang konsehal pero muli, mahinahong sinabi ng LTO officer na wala daw magagawa dahil trabaho lang ang ginagawa niya.

Habang isinusulat ito ay wala pang reaksyon ang LTO ukol sa nasabing pangyayari.

Kung totoong konsehal ‘yung nagsisigaw sa LTO, tila di maganda na siya pa ang nangunguna sa pambu-bully sa isang taong-gobyerno na nagpapatupad lamang ng kanyang tungkulin.

Saludo tayo sa hinahon, tapang at dedikasyon ng LTO officer at pati na din sa mga kasamahan niyang babaeng LTO officers din. Dapat silang parangalan ng LTO.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.