Advertisers

Advertisers

Yorme Isko: ‘Di lang salita, serbisyo ang sukatan

0 8

Advertisers

Sa pulitika, uso ang magaling magsalita.

Kapag eleksiyon, halos lahat kayang mangako. Lahat may magandang plano. Lahat may magarbong presentasyon. Ngunit pag-upo sa puwesto, marami ang nauuwi sa “drawing.”

Kaya sa pamamahala, hindi sapat ang magaling magsalita. Ang mahalaga ay kung may maipapakitang resulta.

Ito marahil ang mensaheng nais ipaabot ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa kanyang State of the City Address (SOCA) noong Hunyo 24 sa Quirino Grandstand sa Luneta.

Mahigit isang oras na iniulat ni Yorme ang mga natapos, mga isinasagawa, at mga nakahanay pang proyekto ng lungsod.

Ngunit kung susuriing mabuti, hindi lamang ito simpleng pag-uulat. Isa itong paalala na ang tunay na sukatan ng isang administrasyon ay ang kongkretong pagbabagong nararamdaman ng mamamayan.

Hindi biro ang pamahalaan ng Maynila.

Mahigit dalawang milyong residente ang kailangang pagsilbihan araw-araw. Dagdag pa rito ang milyun-milyong pumapasok sa lungsod para magtrabaho, magnegosyo, mag-aral at maghanapbuhay. Kaya bawat desisyon ng City Hall ay may direktang epekto sa buhay ng napakaraming Pilipino.

Sa kanyang ulat, kapansin-pansin na hindi lamang iisang sektor ang binigyan ng pansin.

Kung pabahay ang problema, may mga proyektong itinatayo.

Kung kalusugan ang usapin, pinalalakas ang mga ospital, health centers at ang PhilHealth sharing program upang hindi mabigatan ang mga mahihirap na pamilya.

Kung edukasyon ang pag-uusapan, hindi lamang mga silid-aralan ang pinapaganda. May One TV, One Classroom Program, pagtatayo ng mga library, at pagpapatuloy ng Yormilk Program upang matiyak na ang mga batang pumapasok sa paaralan ay may sapat na nutrisyon.

Simple man pakinggan ang libreng gatas, ngunit sa maraming magulang na hirap pagkasyahin ang pang-araw-araw na gastusin, malaking tulong ito sa pagpapalaki ng malusog na anak.

Hindi rin basta nakalimutan ang mga sektor na madalas ay hindi napapansin.

May ayuda at allowance para sa mga estudyante, senior citizens, solo parents, persons with disabilities (PWDs), gayundin sa mga kawani ng BJMP, BFP, Manila Police District at maging sa mga nasa trial courts na katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan.

Ito ang klase ng pamamahalang nakikita ang halaga ng bawat sektor.

Hindi rin natatapos ang usapin sa ayuda.

Mas mahalaga ang pagkakaroon ng trabaho.

Kaya ipinagmalaki rin ni Yorme ang pagpapaigting ng Ease of Doing Business. Kapag mas madaling magnegosyo, mas maraming mamumuhunan. Kapag mas maraming negosyo, mas maraming trabaho. Kapag may trabaho, mas maraming pamilyang may disenteng kita.

Ganito dapat umikot ang ekonomiya ng isang lungsod.

Sa usapin naman ng kalamidad, alam ng bawat Manilenyo na taon-taon ay kalaban ang baha.

Kaya hindi kataka-takang kabilang sa mga prayoridad ang Drainage Master Plan, modernisasyon ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at pagtatayo ng bagong Flood Monitoring and Command Center.

Mas mabuting naghahanda kaysa naghihintay ng sakuna.

Isa rin sa mga proyektong nagbibigay ng kakaibang kulay sa lungsod ang pagpapalawak ng mga green spaces.

Ang Burnham Green, Plaza Dilaw, Plaza Azul at iba pang parke ay hindi lamang pampaganda. Nagiging pahingahan ito ng mga pamilya, mga senior citizen, mga kabataan at maging ng mga empleyadong gustong makahinga kahit sandali mula sa mabilis na takbo ng lungsod.

Kasabay nito ang pagpapaigting ng programa sa pagpapailaw sa mga pangunahing kalsada at mga lansangan sa loob ng mga barangay. Sa pamamagitan ng mas maliwanag na mga lansangan, layunin ng lungsod na mapataas ang seguridad, makatulong sa pag-iwas sa krimen, at matiyak ang mas ligtas na paglalakad at pagbiyahe ng mga Manilenyo sa gabi.

Kasama rin sa environmental program ang pagtatanim ng mga kawayan sa Roxas Boulevard—isang hakbang na maaaring hindi agad makita ang bunga, ngunit tiyak na pakikinabangan ng susunod na henerasyon.

Isa ring hindi pangkaraniwang hakbang ang “Talk to the People,” kung saan ipinakikita sa publiko ang mga nahuhuling kriminal o “tolongges.” Para sa marami, isa itong paraan upang ipakita na seryoso ang lungsod sa kampanya laban sa krimen at sa pagpapanatili ng kaayusan.

Samantala, hindi rin nalilimutan ang mga magsasaka. Sa pagbebenta ng mga produktong agrikultural mula sa Ilocos Sur, Nueva Ecija, iba pang bahagi ng Hilagang Luzon at maging ng Mindanao, nabibigyan ng mas malaking merkado ang mga magsasaka habang nakakabili naman ang mga Manilenyo ng mas sariwa at abot-kayang produkto.

Ngunit marahil ang pinakamahalagang bahagi ng SOCA ay hindi ang dami ng mga proyektong nabanggit.

Ang mas mahalaga ay ang mensahe.

Na ang pamahalaan ay dapat laging gumagalaw.

Na ang bawat pisong buwis ay dapat nakikitang bumabalik sa mamamayan sa anyo ng serbisyo.

Na ang City Hall ay hindi dapat maging opisina lamang ng politika, kundi tahanan ng tunay na serbisyo publiko.

Siyempre, wala namang administrasyong perpekto.

May mga problemang nananatili. May mga hamong kailangan pang tugunan. May mga proyektong dapat pang tapusin at mga pangakong dapat pang tuparin.

Ngunit sa dulo ng lahat, ang pamamahala ay hindi hinuhusgahan sa dami ng press release, tarpaulin o magagandang talumpati.

Hinuhusgahan ito sa kung ano ang nararamdaman ng tao sa kanyang araw-araw na pamumuhay.

Kung meron siyang mauuwian na maayos na tahanan o tirahan.

Kung mas maayos ang ospital.

Kung may disenteng paaralan.

Kung may trabaho.

Kung may seguridad.

Kung may pag-asa.

At kung ang lungsod ay patuloy na umaandar para sa kapakanan ng bawat Batang Maynila.

Sapagkat sa huli, ang pinakamagandang State of the City Address ay hindi ang pinakamahabang talumpati.

Kundi ang lungsod na mismong nagsisilbing ebidensiya ng mga salitang binigkas ng kanyang alkalde. *** Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.