Advertisers

Advertisers

APILA SA BANGKO SENTRAL PILIPINAS

0 12

Advertisers

Ganap sa kahusayan ang mga opisyal sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ngunit salat sa pagpapahalaga sa kagalingan ng taong bayan. Maraming ulit napalitan ang perang umiikot sa bansa ngunit ‘di nagawang ipabatid ang pagpapalit ng perang iikot o umiikot sa bansa mula sa pinaka-maliit tungo sa pinaka-malaking halaga. Sa kasalukuyan, wala na sa sirkulasyon ang kinalakihang mga barya ng magkamulat at malaman ang halaga ng perang pambili. Sa paglaki at mabukas ang diwa, silip ang pagpapalit ng mga pira-pirasong bakal na gamit sa pagbili ng tira-tira, sungkit kulangot, panutsa at ipa bang matamis na kakanin na pampalipas gutom habang nasa lansangan ng pamayanang kinalakihan. Sa pagtakbo ng panahon, dumami ang nahawakang perang bakal at ‘di na singko o diyes dahil naabutan ng pisong papel. Hindi mula kay nanay o tatay bagkus galing sa pagpapapagal sa pagpupulot ng bola sa tennis court na bayad ng mga naglalaro.

Sa pag-amin, dating palaboy at bihasa sa paghawak ng baryang salapi sa pamayanang kinalakihan sa UP Diliman. Ang maglaboy sa pagtitinda ng turon, pagpupulot ng bola sa UP Tennis Court maging sa pagdadala ng Caddie Bag ang gawa upang makaroon ng pantustos sa araw araw. Hindi ibig pahabain ang banggit na karanasan, ang ibig ipaabot nakahawak ng baryang madalas magpalit ng hugis at kulay na pareho ang halaga. Sa natatanggap na kabayaran sa serbisyong alay, masasabing karaniwan ang makahawak ng barya. At sa maraming pagkakataon, itinatanong sa sarili kung bakit madalas ang pagpapalit ng itsura ng pera sa bansa gayung pareho ang halaga. Ito ba’y dahilan ng paglago ng ekonomiya o pagbaba ng halaga ng salapi ng bansa? Ano ang dahilan sa pagpapalit ng hugis, kulay at itsura ng pera sa sirkulasyon, hindi ko alam?

Sa pagsulong ng panahon, napansin ang pagliit ng mga salaping umiikot na tila larawan ng lumilit na ekonomiya ng bansa. Subalit ‘di mawala o hanap-hanap ang lumang piso o dalawang pisong papel na karaniwang natatanggap sa serbisyong alay. At ‘di nagtagal napalitan ang perang papel (P1.00 at P2.00) ng bakal na salapi na may kalakihan at kabigatan na madaling makilala dahil sa hugis. At ganun din ang baryang P0.50, P0.25, P0.10 at P0.05. Sa totoo lang, ‘di napagtutuunan ang mga banggit na barya sa una sa dahilang madaling kilalanin. Sa kasalukuyan silip ang pagkakahawig ng mga baryang banggit na nagpapahirap sa senior citizen na walang salamin sa mata. Ang dagdag na pahirap, ang dating perang papel o buo tulad ng P10.00, P5.00 o ang piso ay magkakasinglaki at kulay sa kasalukuyan na iniinda ng SC. Ano bayan BSP…

Sa totoo lang, ‘di lang ang barya ang kadalasang napalitan maging ang salaping papel na naging mapusyaw ang kulay at tila pera – perahan ang itsura. Sa kasalukuyan, bumaba ang sirkulasyon ng P20.00 na papel na napalitan ng bakal na may dalawang kulay. Sa pagpapalit ‘di mawatas kung ano ang ibig ipahiwatig sa pagpapalit o sadyang lumiliit ang halaga ng piso laban sa mga salaping dayuhan. Sa totoo pa rin, ang ‘di pagpapabatid ng mga dahilan sa pagpapalit ng mga salaping umiikot sa bansa ang nagpapahirap sa mga tao higit sa senior citizen na may kalabuan ang mata at sa mga taong bihirang makahawak ng mga bagong salapi na ‘di pwedeng itupi o ilupi.

Sa patanaw, napansin ang pagbabago ng salaping umiikot sa bansa sa bawat panahon na nagbabago ang liderato sa bansa o ng gobernador ng BSP. Walang pagtutol sa kaayusang banggit, ang ibig, malaman kung paano nabuo ang pasya kung ano o sino ang dapat maging larawan sa mga perang ilalabas sa sirkulasyon sa bansa higit ang perang papel. Sa kasalukuyan, silip ang paglabas ng mga perang papel na may sangkap na plastic na ‘di maaring ilupi kuno at baka ‘di tanggapin ng pag-aabutan bilang bayad. Muli, isang tanong paano nabubuo ang pasya sa kung sino o ano ang larawan na dapat sa bawat salaping ilalabas. Halimbawa, paano lumabas ang pasya na ang mga hayop ang larawan na makikita sa mga perang inilabas na magagamit bilang pantustos. Pasalamat at ‘di napalitan ang dilawang P500.00 na larawan ng mag-asawang Aquino. Ngunit napalitan sina Tito, Vic at Joey sa P1,000.00 papel ng agila ng kaTimugan, pagsisipsip ba ito sa dating lider mula sa kaTimugan, tanong lang po.

Sa totoo lang, ‘di ganap na usapin ang pagpapalit o pag iba – iba ng salaping umiikot sa bansa kung hindi sa paglapit ng SC na nahihirapan sa pagtingin sa mga salaping magkakawangis. Masakit sa mata ang mga baryang umiikot sa bansa na kailangan pang gamitan ng antipara upang mabatid ang halaga. Ang pagkakawangis ng mga salaping barya ang higit na iniinda ng mga SC higit kung nakasakay sa mga pampublikong sasakyan. Ang pagpapaalam ng mga pagbabago sa dadaloy na salapi sa bansa ay ganap na mahalaga sa mga Pinoy higit sa mga dumadaan sa mga tindahan o sumasakay sa mga sasakyang pang masa. Ang disenyo ng magsasaad ng pagkakaiba sa halaga ng salaping ilalabas higit sa pagkakaiba ng halaga ang bigyan pansin tulad sa nakaraan ng maging madali sa tao sa laylayan at SC.

Hindi alintana ng SC na si Mang Juan, ang halaga ng mga salaping gamit sa mga pagbili o umiikot sa merkado ang ibig at sabay naganap, ang makita ang malayong pagkikilala sa bawat salaping ilalabas. Ang nais, maging magaan o maging madaling makilala ang salaping umiikot sa bansa higit ang mga perang karaniwang gamit ng tao sa laylayan at ng SC, ang mga barya. Ang mapaluwag sa paghinga sa madaling makilalang pera ang ibig ipabatid sa BSP at ‘di ang kasalukuyang salaping magkakawangis gayong magkakaiba ang halaga. Ang pagpapaabot ng kahilingan ng mga SC ang layon ng pitak upang maibsan ang bitbit na pasanin ng ating SC na si Mang Juan na hirap na kilalanin ang perang dinudukot sa lukbutan. Ang usapin sa tayo ng ekonomiya’y ‘di banggit sa usapin dahil ang ibig, bigyan pansin kung paano magiging madali ang pagkilala sa bawat pirasong barya na ipinapasok sa lukbutan ng ating kababayan. Sa dulo, umaasa na gagalawan ang samo ng SC at ipababatid sa taong bayan ang mga bagong salaping ilalabas.

Maraming salamat po!!!!