Advertisers
NAGLABAS nitong Biyernes ng pormal na abiso ang Senate Impeachment Court na nag-uutos kay Vice President Sara Duterte na dumalo sa pagbubukas ng kanyang impeachment trial sa Lunes, Hulyo 6, sa Session Hall ng Senado sa Pasay City.
Ang notice ay nilagdaan ni Senate President Sherwin Gatchalian, na siyang presiding officer ng impeachment court, at nakasaad na dapat humarap si VP Duterte nang personal o sa pamamagitan ng kanyang mga abogado alinsunod sa Writ of Summons na inilabas noong Mayo 19.
Na-impeach si Duterte ng House of Representatives noong Mayo 11 dahil sa apat na artikulo ng impeachment: misuse of public funds, unexplained wealth, bribery sa mga opisyal ng Department of Education, at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Ang Senado ay nagtakda ng 92 trial days, kung saan 62 araw ay nakalaan sa House prosecutors at 30 araw para sa depensa.
Sa pagbubukas ng paglilitis, inaasahang maghahain muna ng formal appearances ang prosecution at defense bago magbigay ng kanilang opening statements.
Ang mga pagdinig ay gaganapin tuwing Lunes hanggang Miyerkules mula alas-dos ng hapon, at lilipat sa Martes hanggang Huwebes matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos sa Hulyo 27.
Si VP Sara ang kauna-unahang opisyal ng Pilipinas na na-impeach nang dalawang beses ng Kongreso.
Kapag napatunayang guilty sa kahit isang artikulo, matatanggal siya sa puwesto bilang bise presidente at mawawalan ng karapatan na muling tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno, kabilang ang kanyang inaasahang kandidatura sa pagkapangulo sa 2028.