Advertisers
Sa mundo ng tennis, bihira ang pagkakataong isang batang atleta ang magpatigil sa paghinga ng buong bansa.
Ngunit ito ang nagagawa ngayon ng Pinay na si Alex Eala. Hindi na lamang siya isang pangakong bituin—isa na siyang tunay na puwersang gumugulat sa pinakamalalaking pangalan sa internasyonal na tennis.
Ang kanyang pinakahuling tagumpay laban sa defending champion na si Iga Swiatek ay hindi basta panalo. Isa itong malinaw na mensahe na ang Pilipinas ay mayroon nang atletang kayang makipagsabayan, at manalo, laban sa mga pinakamahusay sa mundo.
Marami ang nagsasabing “upset” lamang iyon. Ngunit kung paulit-ulit mong napapatumba ang mga malalaking pangalan, hindi na ito tsamba. Isa na itong patunay ng talento, disiplina at matibay na paniniwala sa sariling kakayahan.
Ngayon, panibagong hamon ang naghihintay kay Alex. Sa kanyang daraanan ay si Jasmine Paolini—isang world-class player na tiyak na gustong makabawi matapos matalo kay Eala sa kanilang naunang paghaharap.
Hindi ito magiging madaling laban. Parehong may kakayahan, parehong gutom sa tagumpay.
Ngunit kung may isang bagay na napatunayan ni Alex sa kanyang kampanya sa Wimbledon, iyon ay ang hindi siya natitinag sa pangalan ng kanyang kalaban. Hindi siya pumapasok sa court bilang underdog. Pumapasok siya upang lumaban at manalo.
Dito marahil pinakamagandang pagnilayan ang tunay na kahulugan ng sports. Hindi lamang ito tungkol sa ranking, tropeo o premyo. Ito ay kuwento ng isang Pilipinang lumaki sa pangarap na dati’y tila napakalayo. Ngayon, bawat paghampas niya ng raketa ay tila paghampas din sa paniniwalang limitado ang kayang marating ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Habang milyun-milyong Pilipino ang magpupuyat upang subaybayan ang kanyang laban, iisa ang kanilang dalang pag-asa—na muli niyang maipakita na walang imposibleng maabot kapag pinagsama ang talento, sipag at tibay ng loob.
Anuman ang maging resulta laban kay Paolini, isa na ang hindi mabubura sa kasaysayan: binago ni Alex Eala ang pananaw ng mundo sa Philippine tennis.
Pinatunayan niyang kaya ng isang Pilipina na makipagsabayan sa mga higante ng sport.
Ngunit bakit tayo agad magtatapos sa kuwento?
Hindi pa ito ang huling kabanata.
Sa bawat panalo ni Alex, lalo lamang tumitibay ang paniniwalang ang pinakamagandang bahagi ng kanyang kasaysayan… ay hindi pa naisusulat.
At baka ang susunod na pahina ay isang panibagong himala—isang Pilipina na papasok sa quarterfinals ng Wimbledon at magbibigay muli ng dahilan upang buong bansa ay sabay-sabay na magsabing:
Laban lang, Alex. Ang kasaysayan ay naghihintay pa sa iyo.
***
Sa Bureau of Customs (BOC), tuloy-tuloy ang ginagawang paglilinis at pagpapatino sa Adwana ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Kamakailan kasi ay hindi simpleng “reshuffle” ang nangyari sa BOC. Isa itong malakas na mensahe na seryoso ang pamunuan sa paglilinis ng hanay nito.
Sa unang tingin, tila ordinaryong paglipat lamang ng mga district collector sa iba’t ibang pantalan sa Luzon, Visayas at Mindanao. Ngunit sa loob ng Adwana, alam ng marami na kapag may malawakang balasahan, may mas malalim na dahilan kaysa sa simpleng administrative adjustment.
Matagal nang tinuturing na pugad ng iba’t ibang uri ng smuggling ang ilang pantalan sa bansa. Kabilang dito ang sigarilyo, na taon-taon ay nagdudulot ng bilyun-bilyong pisong pagkawala sa kaban ng gobyerno dahil sa hindi nababayarang buwis.
Ang bawat container na nakakalusot ay hindi lamang paglabag sa batas—ito rin ay direktang pagnanakaw sa pondo na dapat sana’y napupunta sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong pampubliko.
Kaya’t nang pirmahan ni Comm. Nepomuceno ang malawakang reshuffle, marami ang nakakita rito bilang simula ng mas agresibong kampanya laban sa katiwalian sa loob mismo ng ahensya.
Hindi maikakaila na kumalat ang usap-usapan na may kaugnayan ang paglilipat ng ilang opisyal sa umano’y isyu ng malawakang smuggling ng sigarilyo. Totoo man o hindi ang mga espekulasyon, isang bagay ang malinaw—walang opisyal na kumpirmasyon at wala ring pormal na kaso na inilalabas laban sa mga inilipat na opisyal.
Sa batas, nananatili ang presumption of innocence hanggang mapatunayan ang anumang alegasyon.
Nguni’t sa pamamahala, mahalaga rin ang pagpapakita ng agarang aksyon. Minsan, ang pagpapalit ng mga tao sa sensitibong posisyon ay hindi agad nangangahulugan ng kaparusahan. Maaari rin itong paraan upang putulin ang mga lumang impluwensiya, alisin ang mga posibleng conflict of interest at magbigay ng panibagong direksiyon sa operasyon.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng marami na ang Customs ay isa sa mga ahensyang pinakamahirap pamahalaan. Dito umiikot ang daan-daang bilyong pisong halaga ng mga produktong pumapasok sa bansa.
Kasabay nito ang napakalalaking tukso ng korapsyon at impluwensiya ng mga sindikato ng smuggling.
Kaya ang tunay na sukatan ng reshuffle ay hindi kung ilan ang nailipat, kundi kung ilan ang mapapanagot. Hindi sapat ang pagpapalitan ng puwesto kung mananatili pa rin ang parehong sistema at parehong mga personalidad na pinaghihinalaan
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.