Advertisers
HINDI sumipot si Vice President Sara Duterte sa unang araw ng kanyang impeachment trial sa Senado, matapos sabihin ng kanyang abogado na pinili niyang humarap sa pamamagitan ng counsel.
Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Duterte, karapatan ng Pangalawang Pangulo kung naisin nitong ang legal counsel ang kumatawan sa kanya sa paglilitis.
“I think naglabas na ng statement ang ating bise-presidente that she has chosen to appear by counsel today in accordance with the Impeachment Rules,” pahayag ni Poa.
Inilarawan ng kampo ni Duterte ang hindi niya personal na pagdalo sa Senate session hall bilang pagharap sa pamamagitan ng kanyang defense lawyers sa unang araw ng trial.
Nauna nang inatasan si Duterte ng Senate impeachment court na humarap nitong July 6 nang personal o sa pamamagitan ng kanyang abogado.
Sinabi ni Poa, ang personal na pagharap ni Duterte sa mga susunod na proceedings ay nakadepende sa payo ng kanyang legal team at sa pangangailangan ng trial.
Sinimulan ng Senado ang impeachment proceedings sa preliminary matters, kabilang ang appearances of parties at procedural issues bago umusad ang trial sa presentation of evidence.
Nahaharap si Duterte sa mga alegasyon kaugnay ng maling paggamit umano ng confidential at intelligence funds at unexplained wealth.
Itinanggi niya ang mga paratang at sinabing pulitikal ang impeachment case.
Kailangan ang boto ng hindi bababa sa 16 na senator-judge, o two-thirds ng 24-member Senate, para sa conviction.