SEN. ERWIN TULFO, MAGBIBITIW PAG ME PATUNAY NA TUMANGGAP SIYA NG PERA SA FLOOD CONTROL
Advertisers
“Eto deretsahan tayo. Pag may nakita ho kayong pangalan ko sa DPWH o sa listahan ni Cabral na sinasabi ni Congressman Leviste na tumanggap sa flood control, I will resign. Bitbitin n’yo po sa Senado ang dokumento na sinasabing may allcoation kay Senator Erwin Tulfo, na me sabit sa flood control at magre-resign ako immediately.” “i WILL resign if anyone can present proof that I received money from flood control.”
Ito ang hamon ni Senador Erwin Tulfo sa mga umano ay desperadong pagtatangka na idawit ang kanyang pangalan sa mga flood control anomalies, kasabay ng pagdidiin na imposible siyang nakatanggap o maalukan ng anumang pera dahil kailanman hindi siya nagkaroon ng mga proyektong gaya ng flood control, farm-to-market roads at mga kagaya nito.
Sa kanyang pagdalo sa ‘MACHRA Balitaan’ forum na buwanang isinasagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila, sinabi ni Tulfo na: “Paano ako masasama dun (flood control anomalies) eh wala naman ako sa flood control.”
“I will conduct a press conference to announce that I will resign because I lied… because I have a flood control project. Wala ako ni singko mula Congressman ako hanggang ngayon. Wala akong natanggap na pondo sa flood control, farm-to-market road o kung anumang kabulastugan na ‘yan. Wala po ako natanggap,” dagdag pa ng Senador.
“Kung me nakita kayong papel—Cabral, DPWH o district engineer, regional director o masi contractor, dalhin nyo at magre-resign ako. That’s my challenge to stop ang mga kalokohang sinasabi. Pano ‘ko tatanggap eh wala akong flood control? Paano ko tatanggap ng kickbak? Ba’t ako bibigyan ni Zaldy Co ng male-maletang pera?” pagbibigay-diin pa ni Tulfo.
Ang hamon ni Tulfo ay patungkol sa ilan sa 18 dating bodyguards ni Co na isinama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga pulitikong diumano ay nahatiran nila ng pera mula sa flood control sa utos ni dating Party-list Congressman Zaldy Co, na kasalukuyang nasa sentro ng kontrobersyal na flood control fund anomalies.
Ayon kay Tulfo, nagsimula lamang siyang idawit dahil sa walang tigil na pagsama ng pangalan niya sa mga surveys para sa 2028 elections kung saan sinasabing nangunguna siya bilang posibleng makakalaban ni Vice President Sara Duterte, na nauna nang nagpahayag ng planong pagtakbo sa pagka-Presidente.
Sa puntong ito ay nakiusap si Tulfo sa mga nagsasagawa ng nasabing surveys na alisin na ang pangalan niya at kanyang kapatid na si Senator Raffy, dahil marami naman umano ang tunay na interesado at matutuwang isama ang mga pangalan nila sa surveys.
Ikinalungkot ni Tulfo na dahil sa hindi naman nila awtorisadong pagsama ng kanilang pangalan sa mga naturang surveys ay nagbunga ito sa walang habas na banat sa social media mula sa mga taga-suporta ni VP Duterte o iba pang nais tumakbo sa 2028.
Samantala, pinabulaanan ni Tulfo na ang impeachment trial ay layong takpan ang flood control anomaly.
Tiniyak ng Senador na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon kung saan siya ang Chairman, ay magpapatuloy sa pagbabalik ng sesyon matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos sa July 27, 2026.
Handa umano siyang mag-inhibit sa imbestigasyon kung ito ang magiging pasya ng majority ng Senators.
Ayon kay Tulfo, balak niyang magtalaga ng sub-committee chairman na siyang hahawak ng imbestigasyon sa flood control anomaly at imbitahan ang 18 bodyguards, na umano ay pinili pang dumalo sa isang press conference sa halip na tugunan ang imbitasyon ng komite sa isang pagdinig na ginanap bago mag-break ang Senado.
Sa ilalim ng kanyan pamumuno, sinabi ni Tulfo na ang mga saksi ay ire-require na magsumite ng affidavit at batay doon ay babalangkas ang mga Senador ng mga katanungan dahil, “hindi naman puwedeng magturo lang kayo nang magturo.”
“Hindi pa tapos ang imbestigasyon. There will be no cover-up,” pagtatapos ni Tulfo. (JERRY S. TAN)