Advertisers
By Mercy Lejarde
NAPAPANAHON ang mensahe ng bagong pelikulang #Uploading, isang makabuluhang proyekto na sumasalamin sa mga pangarap, pagsubok, at realidad ng buhay sa makabagong panahon.
Mas magiging kapana-panabik ang pelikula dahil tampok dito ang ilan sa mga pinakasikat na personalidad na unang nakilala sa iba’t ibang edisyon ng Bahay ni Kuya.
Sa kauna-unahang pagkakataon, magsasama sa iisang pelikula sina Zeus Collins, Dawn Chang, Aljon Mendoza, Eliza Borromeo, at Dylan Yturalde, na pawang nag-iwan ng marka sa loob ng Bahay ni Kuya. Makakasama rin nila si Dwayne Garcia ng Star Music, na kamakailan ay kinilalang New Male Recording Artist of the Year sa Star Awards for Music. Bukod sa kanyang tagumpay sa musika, patuloy rin siyang gumagawa ng pangalan sa larangan ng pag-arte.
Lalong pinatatag ang cast ng #Uploading sa paglahok ng mga batikang artista na sina Irma Adlawan, Dennis Padilla, at Arlene Muhlach, gayundin ng social media personality na si Bernie Batin, na mas kilala bilang ang “pinakamasungit na tindera sa balat ng social media.”
Higit pa sa isang ordinaryong drama, ang #Uploading ay isang kuwentong sumasalamin sa pag-asa, determinasyon, at katatagan ng bawat taong nagsisikap makamit ang kanilang mga pangarap sa kabila ng iba’t ibang hamon ng buhay. Layunin nitong magbigay ng inspirasyon at mahahalagang aral sa mga manonood, lalo na sa mga kabataan, kaya’t ipapalabas ito sa iba’t ibang paaralan at piling sinehan sa buong bansa.
Ang #Uploading ang kauna-unahang handog sa pelikula ng Red Concept Events Management Services, isang kumpanyang nagsisimula nang gumawa ng makabuluhang ambag sa industriya ng pelikula. Pinamunuan ito ng premyadong direktor na si Joven Tan, na kamakailan lamang ay pinarangalan bilang Joe Quirino Awardee sa ika-9 na The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) bilang pagkilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa Philippine cinema.
Sa pagsasanib ng mahuhusay na artista, napapanahong kuwento, at mahusay na direksyon, inaasahang magiging isa ang #Uploading sa mga pelikulang hindi lamang magbibigay-aliw kundi mag-iiwan din ng makabuluhang mensahe at inspirasyon sa bawat manonood.