Advertisers
NASAWI ang isang inosenteng tricycle driver at sugatan ang kanyang pasaherong menor-de-edad at isang pulis, na diumano’y target ng ambush sa isang mataong kalye sa Barangay Poblacion 5, Cotabato City nitong Linggo, July 12.
Sa ulat nitong Lunes ng mga opisyal ng intelligence units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, ang target ng naturang pananambang ay ang off-duty na motoristang pulis na si Corporal Titing Kauring, pero ang nasapul ay ang tricycle driver na si Basir Gapor.
Sugatan sa ambush si Kauring at ang pasahero ni Gapor na kinilalang si Yusseff, isang menor-de-edad.
Ayon kay Captain Anuar Mambatao, hepe ng Cotabato City Police Precinct 1, parehong nasa ligtas nang kalaga-yan ang mga sugatang sina Kauring at ang high school student na si Yusseff.
Sakay si Kauring ng motorsiklo, nakabuntot sa tricycle ni Gapor, nang sila ay pagbabarilin sa isang bahagi ng Jose Lim, Sr. Street sa Barangay Poblacion 5. Mabilis na nakatakas ang mga bumaril sa kanila gamit isang motorsiklong walang plaka.
Na-deklarang dead on arrival si Gapor sa Cotabato Regional Medical Center.
Ayon kina Col. Jibin Bongcayao, director ng Cotabato City Police Office; at local executives na nag-responde sa insidente, malinaw ang mga indikasyon na ang pulis (Kauring) ang target ng ambush.
Ayon sa mga imbestigador mula sa Cotabato City Police Precinct 1 at kay Bongcayao, wala kagalit ang nasawing si Gapor at ang kanyang pasaherong si Yusseff, batay sa inisyal na ulat ng kanilang mga kamag-anak at mga kakilalang barangay officials sa kani-kanilang mga lugar.