Advertisers
KASUNOD ng utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos na gawing mas madali ang mga transaksyon ng gobyerno para sa mga Pilipino, mas pinagaan pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-aayos para sa mga sasakyang ginagamit sa ride-hailing services na i-renew ang kanilang prangkisa.
Sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpapadali sa negosyo pagdating sa renewal ng lahat ng Certificates of Public Convenience (CPCs) ay layuning patatagin ang probisyon ng Memorandum Circular No. 2026-049.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular No. 2026-049, ang bisa ng CPCs para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) ay pinalawig ng limang taon sa ilalim ng Authority to Operate Certificate (ATOC).
“Ang pagsunod namin sa utos ni Pangulong Marcos na humanap ng paraan para mas mapadali para sa aming mga kliyente, ang mga operator at driver ng pampublikong sasakyan, ay nasa tamang direksyon.
Sa kasong ito, ini-inform namin ang sektor ng TNVS na hindi na nila kailangan magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion para sa conversion sa ilalim ng ATOC,” sabi ni Chairman Vigor.
Kaugnay nito sa advisory na inilabas noong Hulyo 14, binigyang-diin ng LTFRB na lahat ng CPC na nagbibigay ng pahintulot sa operasyon ng TNVS na valid at umiiral noong simula ng Circular, ay awtomatikong ico-convert bilang Authority to Operate Certificates (ATOCs), nang hindi na kailangang magsumite ng aplikasyon para sa renewal o motion para sa conversion.
Sinabi rin ni Chairman Vigor na sakop din nito ang CPCs na sumasaklaw sa mga awtorisadong unit na pinapagana ng non-internal combustion engines (non-ICE).
“Ang mga operator na ang mga CPC ay kabilang sa nabanggit na klasipikasyon at malapit nang mag-expire ay pinapayuhan na hindi na kailangan pang magsumite ng aplikasyon para sa renewal, dahil ang kanilang mga CPC ay awtomatikong na-convert na sa ATOC ayon sa Section 14(a),” ayon sa advisory.
Sinabi ni Chairman Vigor na kung ang isang operator ay nais makakuha ng pormal na kopya ng converted ATOC, maaari siyang magsumite ng Manifestation na humihiling ng pag-isyu nito sa Legal Division ng Board o sa Legal Section ng Regional Franchising and Regulatory Office na may hurisdiksiyon.
Nilinaw ni Chairman Vigor na walang bayad sa paghahain o sa pag-isyu ng converted ATOC ang kailangan o kinokolekta para sa pagsumite ng Manifestation. (Boy Celario)