Advertisers
HINAMON ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Malacañang na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games, kasabay ng pahayag na handa rin silang imbestigahan ang flood control project ng gobyerno.
Sa kanyang Facebook live, sinabi ni Cayetano na wala siyang kinatatakutan sa anumang imbestigasyon at nananawagan siya ng isang “all-out investigation” upang lumabas ang buong katotohanan.
“So ito, ito proposal natin sa NBI, sa Malacañang, at saka sa DOJ. Imbestigahan niyo yung Southeast Asian Games of 2019, kung saan tayo nag-overall champion at tiningala ng buong Southeast Asia, imbestigahan niyo ng husto, bigay nyo lahat. We will support totally,” diin ni Cayetano.
Ayon sa senador, kung paiigtingin ang imbestigasyon sa SEA Games, dapat din busisiin ang iba pang malalaking proyekto ng pamahalaan, kabilang ang flood control projects.
“So madali lang ‘yan, Malacañang. Kasi sumusunod naman sa inyo sina Sen. Erwin, sina Sen. Lacson, iyong mga nasa Blue Ribbon, kalabitin n’yo na. Tutal 30 weeks, matagal po itong impeachment at sabi nga, huwag panay technicalities. Lalo po ang Blue Ribbon Committee, wala masyadong technicalities doon,” punto ni Cayetano.
Idinagdag niya na ang Senate Blue Ribbon Committee ay maaaring magsagawa ng pagdinig habang nagpapatuloy ang impeachment trial, upang masuri rin ang iba pang isyung may kinalaman sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na wala siyang kinalaman sa mga infrastructure projects ng 2019 SEA Games at iginiit niyang handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon upang linawin ang mga alegasyon.
Samantala, wala pang tugon ang Palasyo sa pinakahuling hamon ng senador. (Mylene Alfonso)