Advertisers

Advertisers

Senador Mark A. Villar, pinaiimbestigahan ang serye ng karahasan laban sa mga TNVS rider; itinutulak ang mas ligtas na pampublikong transportasyon

0 6

Advertisers

Naghain si Senator Mark A. Villar ng Senate Resolution No. 527, na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation upang palakasin ang mga hakbang sa seguridad para sa mga ride-hailing driver at pasahero, paigtingin ang koordinasyon ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas, at bumuo ng mga repormang magtitiyak ng mas ligtas na pampublikong transportasyon.

Ito ay kasunod ng magkakasunod na karumal-dumal na krimen na ikinabahala ng riding public nitong mga nakaraang linggo, kabilang ang pagpatay sa isang TNVS rider sa Cavite matapos itong holdapin at ang pananaksak hanggang sa ikamatay ng isa pang rider sa Caloocan. Ayon kay Villar, ipinakikita ng mga insidenteng ito ang seryosong kakulangan sa kasalukuyang mga hakbang sa seguridad at ang agarang pangangailangan para sa mga repormang magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa mga naghahanapbuhay sa pamamagitan ng ride-hailing platforms.

“Hindi natin maaaring hayaang maging normal o dumami pa ang mga karumal-dumal na insidente laban sa ating mga TNVS riders. Kailangan nating magpatupad ng mas matitibay na hakbang na magpoprotekta sa parehong driver at pasahero, lalo na sa panahong lalong nagiging mapangahas ang mga kriminal,” ani Villar.

Kabilang sa mga hakbang na maaaring pag-aralan ang pagpapatibay ng passenger identity verification, pagpapahusay ng real-time trip monitoring, pagpapalakas ng mga in-app emergency features, mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ride-hailing company at law enforcement agencies, at pagtatakda ng mas malinaw na pamantayan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga TNVS rider at ng riding public.

“Dahil sa likas na panganib ng kanilang trabaho—kung saan araw-araw silang nagsasakay ng mga pasaherong hindi nila kilala at maaaring mabiktima ng mga kriminal na nagpapanggap na lehitimong pasahero, lalo na sa gabi at sa mga liblib na lugar—nararapat lamang na mabigyan sila ng mas matibay na proteksyon at mas mahigpit na mga hakbang sa seguridad,” dagdag ni Villar.

Nanawagan din ang senador sa mga awtoridad na walang tigil na habulin ang mga responsable sa mga naganap na krimen at tiyaking mapanagot ang mga ito sa buong bigat ng batas.

“Ang mensahe ay dapat malinaw: walang puwang ang karahasan laban sa mga naghahanapbuhay. Hindi tayo titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable. Kasabay nito, isusulong natin ang mga repormang magbibigay ng tunay at pangmatagalang proteksyon sa ating mga TNVS rider at sa riding public,” pagtatapos ni Villar.