Advertisers
ASAHAN ang mahahalagang rebelasyon mula sa huling testigo ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa Article IV, na inaasahang bubuo sa salaysay ng prosekusyon hinggil sa mga pagbabanta ni Vice President Sara Duterte at sasagot sa mga natitirang katanungan tungkol sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union, si NBI Director Melvin Matibag ang pinakamainam na tao upang ipaliwanag ang mga rekord at impormasyon na hindi ganap na nailahad ng mga naunang testigo.
“I’m sure nag-e-expect kayo ng fireworks this week. There will be fireworks”, ani Ortega sa isang press conference sa House of Representatives.
Bilang pinuno ng NBI, sinabi ni Ortega na may ganap na akses si Matibag sa kabuuang rekord ng imbestigasyon, kabilang ang mga dokumento at impormasyong hawak ng iba pang dibisyon na humawak sa kaso matapos makumpleto ng NBI Cybercrime Division ang bahagi nito sa imbestigasyon.
“Being the head of the bureau, he has the access to all of the records… kumbaga, he has keys to the castle,” paliwanag ni Ortega.
Inaasahang tatalakayin ni Matibag ang naging imbestigasyon ng NBI kaugnay sa mga pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kabilang ang naging resulta ng imbestigasyon at mga kasong kriminal na isinampa kaugnay nito.
Gayunman, sinabi ni Ortega na maaaring hindi pa maisapubliko ang ilang sensitibong impormasyon, partikular ang kaugnay sa umano’y assassin at iba pang investigative leads, dahil ang ilan sa mga ito ay classified pa o patuloy pang bineberipika.
“Parang iyong lead sa so-called assassin, siyempre classified iyong iba diyan. At hindi rin nila puwedeng bitawan o basta-basta sabihin kung hindi rin po solid iyong lead nila at hindi nila nahahanap or under investigation pa,” aniya.
Inamin din ni Ortega na maaaring maharap si Matibag sa masusing pagtatanong dahil sa naging tensyon sa pagitan ng ilang senator-judges at ng prosekusyon nitong mga nakalipas na linggo. Gayunman, tiniyak niyang hindi ito makaaapekto sa paghahanda ng prosecution panel.
“Wala namang magbabago sa preparasyon ng prosecutors. Pero ako, sinabi ko naman kung ano iyong nakita ko noong nandoon ako noong hearing, makikita natin may kaunting friction talaga dahil nga po sa past month na mga nangyaring events,” saad niya.
Umaasa rin si Ortega na pagtutuunan ng mga senator-judges ang ebidensiyang ihaharap ni Matibag at hindi ang mga isyung pulitikal na maaaring makaapekto sa kanilang paghusga.
“Pero sana mapag-usapan nila iyan at makita ng Impeachment Court iyong halaga kasi sa prosecution side, sobrang importante po iyong pag-upo bilang witness ni Director Matibag,” dagdag pa niya.
Tinanggihan din ni Ortega ang mga pagtatangkang kuwestiyunin ang kredibilidad ni Matibag dahil sa kanyang naging dating kaugnayan sa pulitika. Aniya, kilala ang NBI chief bilang isang tapat at prangkang opisyal na diretsong sumasagot sa mga tanong.
“Siguro iyong kaunting oras na nakilala ko siya, nakasalamuha ko siya, very upfront naman siya. Hindi siya iyong tipong parang walang drama,” ani Ortega.
Dagdag pa niya, kung may inaasahang “pasabog” ang publiko at media mula sa testimonya ni Matibag, mas mainam itong ituring na makabuluhan at nagbibigay-linaw, dahil hawak ng NBI ang mga impormasyong hindi pa nalalaman o hindi pa nasasagot ng ibang testigo.
“Kung mayroon mang pinaka-credible at saka siguro naghahanap ang mga kaibigan natin sa media at mga taong bayan ng pasabog, o mabigat na statement coming from here, siguro magandang gamitin natin is informative kasi mas privy sila sa mga impormasyon na hindi natin kayang sagutin o hindi natin alam,” pagtatapos ni Ortega.