Advertisers

Advertisers

Pangakong napako ni Ombudsman Boying

0 6

Advertisers

PINANGAKUAN tayo ni Ombudsman Jesus Crispin “Bo-ying” Remulla na magkakaroon ng mga warrant of arrest pagsapit ng Disyembre 2025. Sinabihan silang may mga mambabatas na magpapasko sa kulungan. Anyari?

Lumipas ang Pasko. Lumampas ang lahat ng itinakdang deadline. Nganga parin si Juan Dela Cruz.

Ang nakapagtataka, ipinakita ng Office of the Ombudsman kung gaano ito kabilis kumilos sa kaso nina Senador Rodante Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada—dalawang senador na hayagang iniuugnay sa political bloc nina dating Pangulo Rod-rigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte.

Napakabilis ng naging takbo ng kaso ni Marcoleta. Noong Mayo 2026, iniulat na isinampa laban sa kanya ang reklamo kaugnay ng umano’y P75 milyong ilegal na campaign donations. Noong Hulyo 3, nagsampa ang Ombudsman ng kasong plunder na hindi maaaring piyansahan. Kinabukasan ay kinilala ng Sandiganbayan ang probable cause, naglabas ng warrant of arrest, at Hulyo 6 ay nakulong si Marcoleta—mismong araw na nakatakdang simulan ng Senado ang pagtalakay sa impeachment proceedings laban kay VP Sara. Si Marcoleta sana ay magsisilbing senator-judge sa paglilitis.

Ganoon din ang naging bilis ng kaso ni Estrada. Noong Mayo 28, nagsampa ang Ombudsman ng plunder at graft kaugnay ng umano’y pagtanggap niya ng humigit-kumulang P573 mil-yong kickbacks mula sa flood-control projects. Kaagad na sumunod ang warrant of arrest at sumuko siya Hunyo 1.

Kung kayang imbestigahan, kasuhan, arestuhin at ikulong ng napakabilis ang mga senador na iniuugnay sa kampo ni Duterte, bakit nananatiling malaya ang iba pang malalaking personalidad na paulit-ulit inuugnay sa iskandalo ng flood-control?

Bakit si Marcoleta—na wala naman sa mga senador na unang tinukoy ng Ombudsman noong Nobyembre 2025 bilang malapit nang maaresto—ang unang nakulong kaysa sa mga personalidad na sinasabing “handa na” ang mga kaso ilang buwan pa ang nakalipas? Bakit hanggang ngayon ay nasa preliminary investigation parin ang kaso ni Senador Chiz Escudero sa kabila ng paulit-ulit na pahayag na malapit na itong maisampa sa hukuman? Hunyo 29 pa lamang ay sinabi ni Ombudsman Boying na maaari na itong maisampa sa loob ng dalawa o tatlong linggo. Anyare?

Bakit ang mga kasong ipinangako laban sa iba pang “contractors” na mambabatas at iba pang makapangyarihang personalidad ay umabot ng maraming buwan lampas sa mga deadline na mismong ang Ombudsman ang paulit-ulit na nagtakda?

At dito pumapasok ang tanong na tila iniiwasang sagutin ng Ombudsman:

Mayroon na bang ilang personalidad na hanggang ngayon ay hindi parin nakakasuhan dahil nakapag-alok, nakipag-kasundo, o nakapagbigay na ng tinatawag na “restitution”?

At sino itong si “Nanang”, Ombudsman, sir?

Si “Nanang” ba ang tinutukoy na si Alfred Kho Lao, na ang pangalan ay lumilitaw sa mga usapin hinggil sa umano’y mga tagapamagitan o “bagman” ng Ombudsman? Ano say mo, Asst. Ombudsman Mico Clavano? Nakapag-restitute na ba si Liluigi Bonoan? Ay mali! Si dating DPWH Sec. Manny Bonoan pala?

Nagtatanong lang po. Bekenemen?!

Matanong na din natin kung ano ang role nina Rolle, Ba-yot. Jip, Weng at Susan? Ang happy group sabi ng mga bubwit sa Ombudsman.

Tama ang pamahalaan sa isang bagay: dapat maibalik ang ninakaw na pera ng bayan. Nguni’t hindi maaaring maging lihim na lagusan ang restitusyon upang makatakas sa pag-uusig ang mga makapangyarihang personalidad.

Hindi dapat mangahulugan ang restitution ng: Magbayad ng halagang hindi alam ng publiko at manatiling hindi nakakasuhan. Hindi rin ito dapat mangahulugan ng: Magbalik ng maliit na bahagi kapalit ng immunity. At lalong hindi ito dapat mangahulugan ng: Makipagnegosasyon sa pamamagitan ng mga tagapamagitan habang tahimik na inaalikabok ang kasong kriminal.

Higit sa lahat, hindi dapat maging code word ang “restitution” para sa “for the boys.”

Ang mga tanong na ito ay hindi dapat sagutin sa pamama-gitan ng tsismis, anonymous briefings, o haka-haka sa social media.

Kung walang anumang kinalaman si “Nanang”, Clavano at Bonoan sa restitution, sabihin ito nang malinaw at patunayan sa pamamagitan ng isang masusing imbestigasyon.

Kung mayroon siyang ginampanang opisyal o di-opisyal na papel, may karapatan ang publiko na malaman kung sino ang nagbigay sa kanya ng awtoridad at ano ang kanilang naging papel. Mismo!