Advertisers
By Mercy Lejarde
Mas lalo pang hinahangaan ng maraming tao si PCSO Director Imelda Papin habang mas nakikilala nila ang kanyang kabutihan at malasakit sa kapwa.
Bukod sa pagiging kilala bilang “Jukebox Queen,” nakilala rin si Papin bilang isang lingkod-bayan. Bilang direktor ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), madalas siyang maiugnay sa pagtulong sa mga mahihirap na pasyenteng nangangailangan ng tulong para sa kanilang pagpapagamot at gastusin sa ospital.
Hindi lamang sa kanyang tungkulin sa PCSO umiikot ang kanyang pagtulong. Sa pamamagitan ng Imelda Papin Foundation, patuloy rin siyang nag-aabot ng tulong sa mga kapos-palad, lalo na sa mga pasyenteng nangangailangan ng pambili ng gamot, laboratory tests, at iba pang pangangailangang medikal.
Sa kabila ng kanyang matagal nang tagumpay sa mundo ng musika, patuloy na isinusulong ni Imelda ang pagtulong sa kapwa—patunay na ang tunay na serbisyo ay hindi lamang nasusukat sa posisyon, kundi sa malasakit at pagkalinga sa mga higit na nangangailangan.
Ayon sa mga taong nakakasalamuha ni PCSO Director Imelda sa kanyang opisina, isa umano siyang direktor na may busilak na puso, mapagmahal, at laging handang tumulong sa mga nangangailangan.
Dahil sa mga kabutihang iniuugnay sa kanya, maraming tao ang naghihikayat kay Imelda na subukan ang mas mataas na posisyon sa pamahalaan. May mga nagsasabing nais nila itong makitang tumakbo bilang senador sa 2028 national elections.
Kung pagbibigyan ni Imelda Papin ang mga panawagang ito ay panahon lamang ang makapagsasabi. Sa kasalukuyan, wala pa siyang inilalabas na pormal na pahayag hinggil sa usapin. Hinihintay na lamang ng publiko kung ano ang magiging pasya niya kaugnay ng 2028 national elections.
——–
Mas kapanapanabik ang pagbabalik-teleserye ni Asia’s Superstar Kathryn Bernardo matapos maglabas online ang ABS-CBN ng vertical videos tampok ang ilan sa kanyang mga eksena sa inaabangang primetime seryeng “Someone, Someday.”
Isang empowered na babae ang gagampanan ni Kathryn bilang si Billy – isang mapagmahal na ate kay Oliver (Migz Casimiro), bilang best friend ni Jordan (James Reid), at ang matapang at maalagang CEO.
Sa unang vertical video tungkol sa kanyang karakter, ipinakita ang pagiging maalaga ni Billy sa kapatid niyang si Oliver na mag-isa niyang ipinalaki kasunod ng pagpanaw ng kanilang ina at nang iwanan sila ng kanilang tatay (Rowell Santiago), habang patuloy siyang ginagabayan ng karakter ni Dimples Romana. Haharap naman sa matinding pagsubok si Billy matapos muling pumasok sa kanyang buhay ang ama niya.
Dapat din abangan ang dalawa pang vertical video releases kung saan ipinapakita ang isang sweet na eksenang nakikipagsayaw si Billy kasama ang best friend niyang si Jordan na laging naka-suporta sa lahat ng kanyang mga problema.
Ipapasilip naman sa isa pang eksena ang pagiging matapang ni Billy bilang boss ng Love List nang sugurin at komprontahin niya ang karakter ni Daniela Stranner dahil sa umano’y pagha-hack nito sa kumpanya para manabotahe.
Ang “Someone, Someday” ay pinagbibidahan din nina James Reid at Maja Salvador, kasama sina Dimples Romana, Rowell Santiago, Rita Avila, McCoy De Leon, Daniela Stranner, at Migz Casimiro. Mula ito sa direksyon nina Chad V. Vidanes at Dolly Dulu.
Mapapanood ang “Someone, Someday” simula Hulyo 27 ng 8:45 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, at Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook. Una itong mapapanood sa Netflix sa Hulyo 24 at sa iWant sa Hulyo 25, at magiging available rin ito sa TFC.