Advertisers
NOONG Huwebes, inilunsad ang Momentum Research, isang bagong tatag na public opinion research firm. Layon ng Momentum Research na magsagawa ng mga malayang pag-aaral sa maraming isyu na hinaharap ng bansa. Kasama ang opinion poll kung saan sinusukat ang opinyon publiko, o damdamin ng bayan sa mga pangunahing isyu tulad ng pulitikal.
Humarap sa isang pulong balitaan ang mga akademiko na opisyales ng Momentum Research. Ipinakilala sina Dr. Cleve Arguelles, founder at chair; Dr. Gary Ador Dionisio, chief executive officer; at Dr. Ederson Tapia, vice chair. Pawang mga dekano sila ng iba’t ibang pangunahing pamantasan ng bansa. Kasama si Ramoncito Cambel at ilang akademiko sa statistics at iba’t-ibang disiplina. May ugnayan sila sa mga dayuhang polling firm.
Layon tahakin ng Momentum Research sa mga itinakdang panahon ang damdamin ng bansa sa ilang pangunahing isyung pulitikal. Gamit ng kanilang mananaliksik ang tinawag nilang “next generation” skill sa mga itinakdang opinion poll at research. Sa maikli, nakikipagtunggali ang Momentum Research sa ilang polling firm tulad ng Social Weather Stations (SWS), Pulse Asia, Octa Research, at ilang polling firm na nabubuhay lang kapag malapit na ang halalan.
Binigyan diin nila ang kalayaan at integridad ng kanilang mga opinion poll. Ayon sa kanila, makakaasa ang sambayanan na hindi sila gagawa ng mga pananaliksik at opinion poll na pabor sa sinumang kliyente at pulitiko. Tanging ang totoong resulta ang kanilang iuulat sa madla. Mangingibabaw ang prinsipyo ng katotohanan at transparency sa kanilang mga gawain. Bibigyan nila ng free disclosure, o malayang pagsisiwalat ang anuman tungkol sa gawain.
Sa pulong balitaan, iniharap ng mga opisyales ng Momentum Research ang resulta ng isang opinion poll na natapos ngayong Hulyo tungkol sa ilang usapin kasama na ang impeachment trial ni Misfit Sara na kasalukuyang gumugulong sa Senate impeachment court (SIC). Tinanong ang sample na 1,438 katao, edad 18 pataas, sa iba’t ibang panig ng bansa upang alamin ang damdamin sa mga iba’t-ibang pangunahing isyu ng bansa.
***
HATI ang bansa sa maraming isyu. Sa mga tinanong, nasa 67% ang nagsabing independiyente sila at hindi sumusuporta kay BBM o Misfit Sara; 13% ang sumuporta kay Misfit; at 17%, kay BBM. Hindi sumagot o tumangging sumagot ang iba.
Sa pagganap ng kanilang tungkulin, 58% ang nagsabing hindi sila masaya kay BBM at 41% ang masaya. Kabaligtaran kay Misfit dahil nasa 58% ang nagsabing masaya kay Misfit at 37% ang hindi. Hindi lang ang dalawang pangunahing lider ang kasali sa opinion poll.
May 42% ang masaya kay Senate President Win Gatchalian; ang iba, sinabing hindi nila kilala si Win. Kay Ispiker Bojie Dy, sinabi ng 47% na hindi nila kilala siya kahit 21% ang nagsabing hindi siya mahusay. Sinabi ng 44% na hindi kilala si Punong Mahistrado Alex Gesmundo ng Korte Suprema. Abot sa 86% ang nagsabi na masaya sila sa kanilang mga kinatawan sa pagganap ng kanilang tungkulin.
Tungkol sa mga pangunahing isyu, itinuro nila ang korapsyon (48%) at sinabing kailangan ito tugunan ng gobyerno at ikulong ang mga salarin. Binanggit ang kawalan ng trabaho (28%) sa bansa. Kasunod ang pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin (25%).
Payag ang 83% sa paglilitis ni Misfit sa Senado; 14% , hindi payag. Nasa 36% ang naniniwala na patas ang SIC at 28% ang nagsabing guilty si Misfit Sara. Sa mga paratang laban sa kanya, sinabi ng 44% na pangunahin ang bintang na maling paggamit ng kanyang confidential funds; 27% ang pagkakamal ng ilegal na yaman; at 20% ang tangka sa buhay ni BBM.
May 58% ang nagsabi na kailangan buksan ang kanyang mga bank at tax record. Malaking bilang sa mga tinanong ang nagsabi na masyado pang maaga upang magkaroon ng anumang konklusyon sa paglilitis.
May 49% ang sumusuporta sa pag-aresto at pagkakakulong ni Rodente Marcoleta at 64% ang hindi kumporme sa pagtakas at pagtatago ni Bato dela Rosa. Umabot sa 49% ang nagsabi na hindi sila kumporme at sumusuporta sa kilos protesta ng kultong Iglesia ni Cristo (InC). malaking bilang ang umiwas sumagot sa tanong.
Malaking bilang ang nagpahayag na hindi nila sinusundan ang impeachment trial kahit na nasa telebisyon ito. Ikinumpisal nila na hindi nila ganap na nauunawaan ang proseso. Karamihan sa mga hindi nakakaunawa ay mga residente sa Kabisayaan at Mindanao.
***
IKINUMPISAL ni Press Undersecretary Claire Castro na walang “secret agreement” ang China at Filipinas sa ilalim ng gobyerno ni BBM. Kung mayroon man, hindi ito nagawa sa panahon ni BBM. Minsan sinabi ni BBM na walang siyang alam na anumang lihim na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa at kung mayroon man, itinuturing ito na pinawalang bisa niya ito.
Samantala, sinabi ni Gibo Teodoro, kalihim ng Tanggulang Bansa, na gawa-gawa lang na Peking ang lihim na kasunduan. Walang ganito, aniya. Mahilig lang magtahi-tahi ng kung anong kasinungalingan ng China, aniya.