Advertisers

Advertisers

‘POWERLESS’ SA ‘BILL SHOCKS’? SEN. ERWIN TULFO, NANAWAGAN NG IMBESTIGASYON SA MATAAS NA PRESYO NG KURYENTE

0 5

Advertisers

SA layuning maimbestigahan ang paulit-ulit na biglaang pagtaas ng singil sa kuryente (bill shocks) upang makabuo ng pro-consumer na polisiya para permanente itong maresolba,.naghain si Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo ng Senate Resolution No. 535, kung saan tinukoy niya ang mga paulit-ulit na reklamo mula sa iba’t- ibang sektor na pumapasan sa mabigat na epekto ng biglaang pagtaas ng singil sa kuryente, pagiging komplikado ng billing statement, hindi tamang pagbasa ng metro at power interruptions.

“Wala po ba talaga magagawa ang gobyerno? Eh kung talagang pangit na ang serbisyo nitong electric cooperative at sinusuka na ng taong bayan, wala po tayong magagawa?” pagtatanong ng Chairman ng Senate Energy Committee.

Sa kabila ng kabi-kabilaang reklamo at isyu sa kuryente, kinikilala umano ng Senador na ang pagresolba sa matagal nang problema sa kuryente ng bansa ay nangangailangan ng maayos na pagresolba.

“Habang ang mga electric distribution utility at generation company ay may karapatang mabawi ang makatuwiran at lehitimong gastos na kinakailangan upang mapanatili ang maaasahang serbisyo ng kuryente at makapagsagawa ng mga mahahalagang capital investment, ang mga mamimili ay may karapatan din sa patas, malinaw, tumpak, at makatuwirang singil sa kuryente, pati na rin ang pag-access sa mabilis at epektibong mekanismo sa pagresolba ng mga reklamo,” pahayag ni Tulfo.

Bukod sa isang malalimang imbestigasyon, layunin din ng resolusyon ni Tulfo ang isang pangmatagalang patakaran sa kuryente na pabor rin sa mga konsyumer.

“Tayo po ang may pinakamataas na singil ng kuryente sa Southeast Asia. Huwag naman nating hayaan na pasanin lang ng mga kababayan natin iyan habang ang sahod ay di naman tumataas,” ani Tulfo.

Pagtitiyak pa niya: “Habang ako ang Chairman ng Senate Energy Committee, magiging maagap tayo sa paghahanap ng mga solusyon. Aalamin natin kung paano papatagin o papababain ang mataas na presyong ito ng kuryente at gagawing abot-kaya para sa mga Pilipino. Sa panahon ngayon, ang pagkaroon ng kuryente ay isang karapatan at hindi lamang isang luho. Bawat Pilipino ay nararapat sa patas na singil sa kuryente.” (JERRY S. TAN)