Advertisers

Advertisers

SANDRO: KAMARA HANDA NANG IPASA PRIORITY BILLS NI PBBM

0 9

Advertisers

SA muling pagbubukas ng sesyon ng House of Representatives, nakahanda na para sa pinal na pag-apruba ang hindi bababa sa dalawang panukalang batas, bilang pagpapatuloy ng legislative momentum ng Kamara sa Ikalawang Regular na Sesyon. Kabilang dito ang mga panukalang naglalayong repormahin ang Cooperative Code at magtatag ng National Thanksgiving Day.

Kasunod ito ng matagumpay na Unang Regular na Sesyon kungsaan naipasa ng Kamara sa Senado ang mahigit 160 panukalang batas, kabilang ang 26 sa 52 prayoridad na panukala na itinakda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, ang mga panukalang naghihintay na lamang ng pinal na aksyon ay patunay na hindi huminto ang trabaho ng Kamara kahit nasa recess at handa itong agad bumoto sa muling pagbubukas ng sesyon.

“Naglatag si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng malinaw na adyenda para sa pag-unlad ng bansa, at inayos ni Speaker Faustino ‘Bojie’ G. Dy III ang Kamara upang maisulong ang mga ito mula sa pagtalakay sa komite hanggang sa aksyon ng plenaryo nang may disiplina at agarang pagkilos. Nagbabalik tayo sa sesyon na may mga panukalang handa nang pagdesisyunan dahil ang bawat oras ng lehislatura ay dapat magbunga ng kongkretong resulta para sa sambayanang Pilipino,” ani Marcos.

Sa simula, 44 panukalang batas ang isinama nina Pangulong Marcos at mga lider ng Kongreso sa Common Legislative Agenda ng ika-20 Kongreso. Kalaunan, inaprubahan ng LEDAC ang mas agarang 21 prayoridad na panukala na nakatuon sa pagpapalakas ng social protection, paglikha ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya, pananagutan sa pamahalaan, at pagpapabuti ng mga serbisyong publiko.

Nag-adjourn ang Kamara para sa sine die adjournment matapos maipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang kalahati ng 52 LEDAC priority measures, bukod pa sa maraming pambansa at lokal na panukalang naipadala na sa Senado.

Sa pagbubukas ng Ikalawang Regular na Sesyon ngayon, Hulyo 27, kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, tiniyak ng liderato ng Kamara na nakahanda na ang committee reports at naipamahagi na ang mga kopya ng mga panukalang batas upang agad itong maaksyunan sa plenaryo at hindi mawalan ng momentum.

Kabilang sa mga panukalang nakahanda nang pagbotohan ang mga hakbang ukol sa kompensasyon sa pinsalang dulot ng aksidenteng nukleyar, mga pag-amyenda sa Cooperative Code, at ang paglikha ng taunang National Thanksgiving Day.

Layunin ng mga pagbabago sa Cooperative Code na higit pang mapalawak ang kabuhayan, access sa pautang, at mga oportunidad sa pamilihan para sa mga kooperatiba at komunidad.

Samantala, ipinakikita ng panukalang National Thanksgiving Day na bukod sa mga repormang pang-ekonomiya at panlipunan, binibigyang pansin din ng Kamara ang mga panukalang may kaugnayan sa pagpapalakas ng mga pagpapahalagang sibiko at pambansang institusyon.

Ang pagiging handa ng mga panukalang ito para sa pinal na pag-apruba ay bunga ng koordinasyon ng iba’t ibang komite, ng Committee on Rules, at ng maayos na pagpaplano ng plenary calendar bago ang pagtatapos ng Unang Regular na Sesyon.

“Inaasahan ni Pangulong Marcos na magtutulungan ang Lehislatibo at Ehekutibo upang makasabay sa mga pangangailangan ng bansa. Ang tatlong panukalang ito ay bahagi lamang ng mas malawak na hanay ng mga panukalang kinabibilangan ng mga prayoridad ng LEDAC, mahahalagang repormang pambansa, at iba pang mga hakbang na nasa proseso na ng bicameral deliberation o aksyon ng Senado,” dagdag ni Marcos.

Inaasahan ng liderato ng Kamara na madaragdagan pa ang bilang ng mga maipapasang LEDAC priority measures bago matapos ang taon, habang ipinagpapatuloy naman ng mga komite ang masusing pagtalakay sa iba pang panukalang nangangailangan pa ng karagdagang konsultasyon.

Kapag tuluyang naaprubahan ang dalawang panukalang batas, agad itong idaragdag sa legislative output ng Kamara at ipapadala sa Senado para sa kaukulang aksyon, kasabay ng pagsisimula ng panibagong sesyon na nakatuon sa pagsasabatas ng mga prayoridad ng administrasyon.