Advertisers

Advertisers

Sen. Ejercito, nanawagan ng aksyon at hindi puro pangako sa Ika-5 SONA ni PBBM

0 4

Advertisers

HINIKAYAT ni Senior Deputy Majority Leader Senador JV Ejercito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gamitin ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) upang maglatag ng mga konkretong reporma na tutugon sa mga pangu-nahing suliranin ng bansa.

Ayon kay Ejercito, inaasahan ng mga Pilipino ang mga tiyak na hakbang ng administrasyon sa nalalabing dalawang taon ng panunungkulan nito.

“Wala nang panahon para sa paligoy-ligoy. Sa huling dalawang taon ng kanyang pamumuno, sana hindi puro pangako ang laman ng kanyang SONA. Sawa na ang taumbayan sa mga pangakong madalas napapako,” ani Ejercito.



Isa sa mga pangunahing isinusulong ng senador ay ang mahigpit na pagsugpo sa katiwalian sa mga flood control projects, na aniya ay nagdulot ng pagdududa ng publiko sa paggastos ng pamahalaan para sa imprastraktura.

“Nagka-trust issues na ang bayan sa infrastructure na dapat sana’y nagtutulak ng paglago ng ating ekonomiya. Ano pa bang hinihintay natin? Na dalhin ng taumbayan ang baha mula sa kanilang mga bayan papunta sa Malacañang?”



“Ang dapat, panagutin at dalhin sa kulungan ang lahat ng nagwaldas at nagbulsa ng pondong inilaan para sa flood control,” patuloy niya.

Muli rin niyang isinulong ang pagpasa ng Senate Bill No. 2 o Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill, na layong magtatag ng pangmatagalang balangkas sa pagpaplano at pagpapatupad ng malalaking proyekto sa imprastraktura, partikular sa flood control at transportasyon.



Sa usapin ng kalusugan, umaasa si Ejercito na iaanunsyo ng Pangulo ang pagpapalawak ng benepisyo ng PhilHealth upang masagot nito ang 60 hanggang 70 porsiyento ng gastusin sa ospital ng mga pasyente.

Nanawagan din ang senador na awtomatikong suspindihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag may matinding pagtaas sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi rin ni Ejercito na inaasahan niyang mag-aanunsyo ang Pangulo ng mga konkretong hakbang upang mapababa ang gastusin ng mga Pilipino. (Mylene Alfonso)