Advertisers
Masigabo, patayong palakpakan at pahiyaw na pag-ayon ang inani ng pangulo sa ika-limang pag-uulat sa bayan o State of the Nation Address [SONA] mula sa mga kinatawang bayan at sa mamamayan. Mahalaga ang taunang pag-uulat sa bayan ng pangulo dahil nababatid ng bayan ang mga nagawa at ibig pang gawain ng pamahalaan sa mga natitirang taon sa pamamahala. Payak ang paglalahad ng mga nagawa ng pamahalaan at may maayos na pagbabago. Sa totoo lang, ‘di ganap ang pagsang-ayon sa pagbabago na kailangang pag-ibayuhin ang ilang balakin sa natitirang taon sa pamamahala ng madama ng tao sa laylayan ang pagbabago.
Sa ulat ng pangulo, ‘di nalimot na banggitin ang ilang napanagot sa mga anomalya subalit ‘di nabanggit ang hinggil sa pagpapasipa sa abalang pangulo na tila paggalang sa prosesong kinakaharap ng mga kinatawan. Masasabing may kahinaan ang pag-aayos sa korapsyon sa pamahalaan na tila pag-iwas sa punto ng balikan sa pagbaba sa pwestong tangan. O’ sadyang umiiwas na banggitin ang pagpapasipa sa abalang pangulo ng ‘di madiin sa hinaharap sakaling mapawalang sala ng ‘di hawak na mga kinatawan sa bugok na kapulungan.
Sa totoo lang, marami ang umaasa na mababanggit ang usaping na mahalaga sa bayan at sa pag-usad ng malinis na pamahalaan sa darating na panahon. Ang pag-iwas sa usapin na dinidinig sa senado ang bagay na masasabing walang magaganap na sipaan o ‘di masisipa, ang abalang pangulo. Ang ‘di pagbanggit sa usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo ang ikinalulungkot sa dahilang hindi una sa administrasyon ang malinis na pamahalaan at mawala ang pandarambong.
Ang masakit, naghihintay ang bayan sa pagbibigay diin sa malinis na pamamahala sa pamahalaan. Sa laki ng nawawalang inutang na salapi na ‘di mabatid kung saan napunta ang pagtitiyak na may pasanin sa balikat si Mang Juan sa kinabukasan. Ang naganap na mga pagbubunyag sa mga anomalya ay tila panakip butas sa higit na malaking anomalya na lalabas sa darating na panahon o sa susunod na administrasyon.
Takot sa anino ng nakaraan ang kasalukuyan na ‘di binanggit ang mga pagbabanta sa pamilya ng butangerang opisyal. Sa ‘di pagbanggit sa usapin ng pagpapasipa kay Inday Salakay ang larawan na naglalaro ng apoy si Jun Singhot ng masiguro ang kinabukasan sa pagbaba sa pwesto. Ang mga nasisilip na mga datos hinggil sa mga survey sa kung sino ang ibig na maging pangulo sa susunod na panahon ang nagsasabi na mainam na maglaro ng ‘di makasakit sa kaalukuyan na kaligtasan sa kinabukasan. Ang salang tindig hinggil sa usaping nasa harap ang ‘di naibigan kay Jun Singhot gayung harapan ang pagkainis at pagbibigay babala ng minsan nakasama sa politika. Malinaw ang takot ng ehekutibo sa kinabukasan at nagsisiguro na ‘di muling ililipad sa ibang lupalop higit sa pagpalit ng, muli ng isang babaeng magiging pangulo ng bansa.
Sa pagmamasid, naging maalab ang pagtanggap ng bayan sa ulat gayun din ang pamahalaan sa mga grupo o taong nagpadama ng pagkadismaya sa pamahalaan. Silip ang mga habulan, hatakan sa mga pagtitipon na tila palakasan sa pagpapa-abot sa mga sentimyento ng ‘di ibig marinig ng mga kakampi ng pamahalaan kontra sa namumuno’t sa palakad ng administrasyon. Malinaw sa mga kontra SONA ang ‘di matuwid na pamamahala sa pamahalaan higit sa ‘di makitang napuntahan ng mga trilyong inutang na pasanin sa kinabukasan.
Ang ‘di madamang paglago kuno ng kabuhayan higit ng gitnang uri ng lipunan ang hinahanap na ‘di makita kung nahan. Ang walang habas na pangungutang na silip sa bilyon bilyong halaga ng multong proyektong nawala ang ganap na likha ng administrasyon na dama ni Mang Juan. Samantala, ang umento sa sahod ng mga obrero’y kakarampot at ‘di madama ang epekto sa kabuhayan. Ang masakit ‘di sapat ang baon na inaabot sa anak na nag-aaral na ‘di makabili ng nutriban na ipinamimigay lang sa nakaraan.
Mabulaklak ang SONA ng pangulo ngunit ‘di nakitaan ng kagalingan ng pag-ibig sa malinis na pamahalaan na sinimulan sa nakaraan ngunit o tila ‘di magtutuloy tuloy sa pag-iwas sa usapin ng abalang pangulo. Naniniwala sa pagsambit ni Jun Singhot sa usapin ng tagapagsalita ng kongreso ‘di magiging makatotohanan ang pahayag na salitang laway o sa bibig na ‘di uusad sa hukuman. Sa totoo lang, umaasa na magaganap ang ilang pahayag ng pangulo higit ang hinggil sa mga serbisyo ngunit ang malinis ang pamahalaan higit sa mga opisyal na kawatan, pinagdududahan na magaganap. Hinahabol ng nakaraan ang kasalukuyan higit sa uri ng pamamahala na una ang sarili bago ang bayan. Sa dami ng dapat na damputin at ipakulong bakit ‘di natindigan ang usapin na sinusubaybayan ng bayan, ang pagpapasipa kay Inday Salakay?
Dismayado si Mang Juan sa ‘di pagpapahayag sa usapin ng abalang pangulo na tindig na hinihintay kay Jun Singhot na nag-aalala sa kahihinatnan ng pamilya sa kinabukasan. Ang ‘di paglalahad na mapatunayan ang salang nagawa ng dating katambal ang maliwanag na pahiwatig na bahala ang mga kinatawan sa lakad ginawa. At sa tindig na banggit, ‘di makitaan ng matikas na tindig si Jun Singhot sa usapin ni Inday Salakay na ganap ang kasalanan sa pang-aabuso sa pondong nahawakan sa mga tanggapan. Ang malinaw na halimbawa ng pagmamalabis ng abalang pangulo’y silip sa pagpapadala ng mga magpapakain sa mga tagapagtangol na ibig ipasagot sa senado ang mga bayarin. Ang tuwirang tindig na sanay pumasok sa isip ni Jun Singhot na sala ang galaw at sa panahon sa makaupo si Inday Salakay sa Malacana, umasang simot ang pera ng bayan. Malinaw na sa oras na maka-upo si Inday Salakay sa panguluhan, ang bawat gagawin o galaw sa darating ng panahon, si Mang Juan ang babalikat, malinaw na malinaw.
Sa huli, inaasahan na ‘di magbabago ang tindig ni Jun Singhot higit sa pagpapanagot sa salang gawa ng mga mandarambong sa pamahalaan. Ang ipinakitang tindig sa mga una ay tila pelikula na tatapusin na pagbibidahan ni Inday Salakay. Malinaw ang takot ng kasalukuyang pamahalaan sa abalang pangulo na nagsisiguro sa kinabuksan. Ang ‘di pagbanggit sa usapin ni Inday Salakay sa SONA ang tindig ng paniniguro sa kinabukasan.
Maraming salamat po!!!!