Advertisers

Advertisers

AI KONTRA BAHA! MAYNILA, KAYANG HULAAN ANG PAGBAHA 2 ORAS BAGO TUMAMA

0 3

Advertisers

Isang makabagong hakbang sa disaster preparedness ang inilatag ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila matapos ihayag ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na gumagamit na ngayon ang lungsod ng AI-powered drone na may 3D mapping technology na kayang matukoy at mahulaan ang posibleng pagbaha hanggang dalawang oras bago ito mangyari.

Inihayag ito ni Domagoso sa ginanap na Kapihan sa Manila Prince Hotel nitong Miyerkules, Hulyo 29, kung saan tinalakay niya ang patuloy na digital transformation ng lungsod at ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang higit na maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga Manilenyo.



Ayon sa alkalde, sa pamamagitan ng ArcGIS mapping system, nasusuri ang dami ng buhos ng ulan, taas ng lupa, at kabuuang drainage network ng lungsod upang agad matukoy kung aling mga lugar ang posibleng bahain.

“Kaya natin ma-predict kung magbabaha sa kwentada ng buhos ng tubig, ’yung volume sa elevation ng lupa natin, at kung na-mapping natin ang lahat ng drainage, easily in a matter of few minutes madi-detect mo na na itong lugar na ’to magbabaha 2 hours thereafter,”ani Domagoso.



Binigyang-diin ng alkalde na hindi pangkaraniwang drone ang ginagamit ng lungsod dahil taglay nito ang Artificial Intelligence (AI) at 3D mapping capabilities na kayang i-map ang bawat gusali at istruktura sa Maynila hanggang sa millimeter precision.

”’Yung drone na ito is not an ordinary drone, this has AI capabilities and 3D mapping capabilities,” ani Domagoso.



Dahil sa inobasyong ito, kinilala rin ang Maynila sa pandaigdigang antas matapos nitong tanggapin ang Special Achievement in GIS Award mula sa Esri sa San Diego, California noong nakaraang linggo.

Ginagamit ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) ang ArcGIS system hindi lamang sa pagtukoy ng mga lugar na maaaring bahain kundi maging sa pagmomonitor ng lokasyon at kondisyon ng mga poste ng kuryente, pagsunod sa zoning regulations, at iba pang mahahalagang imprastraktura sa anim na distrito ng lungsod.

Ayon pa kay Domagoso, patuloy ding pinalalawak ng lungsod ang data banking at big data system upang magkaroon ng komprehensibong database para sa real property, negosyo, at maging sa kalusugan ng mga residente hanggang sa antas ng barangay.

Ipinaliwanag niyang sa pamamagitan ng health care data mapping, maaaring matukoy ng pamahalaan kung saang lugar mataas ang kaso ng tuberculosis, pulmonya, sipon, o iba pang sakit upang agad na makapagpatupad ng naaangkop na medical intervention.

“Pag sinabi ko let’s just say itong barangay na ito maraming mayroong TB, bakit nagkaroon ng TB? Ito maraming senior na may pulmon, dito maraming may sipon—ito ang health care data mapping, so magagawa mo ng intervention,” aniya.

Para kay Domagoso, ang kakayahang mahulaan ang pagbaha bago pa ito mangyari ay malaking tulong sa maagap na paglikas ng mga residente at sa pagligtas ng buhay at ari-arian.

“You’re saving lives and property, and those are the futures of Manila later on,” dagdag ng alkalde.

Aniya, magpapatuloy ang pamahalaang lungsod sa pamumuhunan sa digital infrastructure upang matiyak na ang mga susunod na desisyon ng pamahalaan ay nakabatay sa tumpak, napapanahon, at mapagkakatiwalaang datos.(BP)