Advertisers

Advertisers

CONFI FUNDS NI SARA MAY ‘DAVAO PATTERN’ DINALA SA OVP!

0 6

Advertisers

NAKIKITA ng prosekusyon ang tila pattern sa paggamit ni Vice President Sara Z. Duterte ng malaking confidential funds mula noong alkalde pa siya ng Davao City hanggang sa kanyang panunungkulan sa Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong nitong Martes, maaaring maging mahalagang konteksto sa impeachment case ang kasaysayan ni Duterte sa paghahanap at paggamit ng confidential funds sa Davao City.

Nilinaw ni Adiong na hindi mismong bahagi ng impeachment charges ang confidential fund spending ng Davao City, ngunit maaari itong magsilbing background upang maunawaan kung bakit nanatiling mahalaga kay Duterte ang naturang pondo nang lumipat siya sa pambansang pamahalaan.

“Hindi naman ito direktang konektado sa Impeachment Court dahil ang pinag-uusapan natin dito ay ang Joint Circular at ang paggamit noong huling quarter ng 2022, unang quarter ng 2023 hanggang ikatlong quarter ng 2023,” ani Adiong.

“Makapagbibigay ito sa atin, bilang ordinaryong tao, ng konteksto kung paano ginagamit ang confidential funds at kung bakit mukhang napakahalaga ng confidential funds kay Vice President Sara Duterte,” dagdag niya.

Ayon kay Adiong, makikita sa mga pampublikong ulat na nakabatay sa records ng Commission on Audit (COA) ang malaking pagtaas ng confidential funds ng Davao City noong panahon ni Duterte bilang alkalde.

Umabot sa P144 milyon ang confidential funds noong 2016, P293 milyon 2017, P420 milyon 2018, at P460 milyon bawat taon mula 2019 hanggang 2022.

Sinabi naman ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ang paglaki ng confidential fund allocation sa Davao, na sinundan ng mga kahilingan para sa confidential funds sa OVP at Department of Education (DepEd), ay maaaring nagpapakita ng paulit-ulit na pamamaraan.

“Kung titingnan mo, parang may pattern kasi noong naupo siya bilang mayor ng Davao, biglang lumaki – kung hindi man dumoble, parang nag-triple pa – iyong confidential fund niya sa Davao bilang alkalde,” ani Chua.

Dagdag na konteksto rito ang background ni Gina Acosta, na dati nang nagtrabaho sa Davao City government bago naging special disbursing officer (SDO) ng OVP.

Ayon kay Adiong, may dati nang kaalaman at karanasan si Acosta sa paghawak at liquidation ng confidential funds, kaya posibleng may mga nakasanayang proseso mula Davao na nadala sa OVP.

“Mukhang mayroon na talagang knowledge and know-how si Ms. Gina Acosta doon sa mga paraan kung paano nila i-liquidate itong confidential funds. At iyon po ang dinala nila sa Office of the Vice President,” ani Adiong.

Binigyang-diin ni Adiong na teknikal ang tungkulin ng isang SDO dahil mahigpit itong ginagabayan ng Joint Circular No. 2015-01 na nagtatakda ng mga patakaran sa pag-release, paggamit, pag-uulat at pag-audit ng confidential at intelligence funds.

Sa kasong ito, si Acosta ang itinalaga at na-bond na opisyal na responsable sa cash advances ng OVP.

Ayon sa prosekusyon, apat na tseke na tig-P125 milyon ang na-encash ni Acosta para sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Acosta na iniutos ni Duterte na ibigay ang unang P125 milyon kay Colonel Raymund Dante P. Lachica, na nagbigay naman ng impormasyon na ginamit sa planning at liquidation records.

Para sa prosekusyon, mahalaga ang dating karanasan ni Acosta sa Davao dahil maaaring makatulong ito sa pagtukoy kung may mga taong pamilyar sa dating proseso ng confidential funds na nagpatuloy sa OVP.

Samantala, binanggit din ni Chua na una umanong nais ni Duterte ang posisyon bilang Secretary of National Defense bago niya tinanggap ang Department of Education noong 2022.

“Alalahanin ninyo, ang unang gusto niya talaga at hinihingi niyang Cabinet position ay Defense, hindi naman DepEd,” ani Chua.

Ayon kay Chua, mas madaling maiugnay sa usaping pambansang seguridad ang confidential funds kung Defense ang naging posisyon ni Duterte.

Sinabi naman ni legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa, Jr. na maaaring maging mahalagang ebidensiya ang mga naunang testimonya tungkol sa mga opisyal na may karanasan sa confidential funds sa Davao City kung makatutulong itong magpakita ng pattern.

“Iyan precisely ang reason na pinayagan ng presiding officer iyong testimony na narinig natin. The defense tried to block it by saying it’s irrelevant, but it will allow it if it could establish a pattern,” ani Tolosa.

Ayon kay Tolosa, maaaring suriin ng korte kung ang mga taong sangkot sa mga transaksiyon sa OVP ay pamilyar din sa confidential-fund process sa Davao at kung may katulad na paraan ng paghawak at liquidation na sinunod sa OVP.

“If it could establish a pattern, then it would still be material in this case,” ani Tolosa.