Advertisers
UMAPELA si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa Kongreso na gawing non-bailable ang kaso ng mga may-ari ng baril na ginamit para gumawa ng isang krimen.
Ito ay kasunod ng nangyaring shooting incident sa loob ng isang eskwelahan sa Zamboanga City na ikinasawi ng Child in Conflict with the Law (CICL) na siyang shooter sa nasabing insidente at sa isa pang Grade 10 na estudyante.
Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong klaseng insidente dahil mas nauna rito ang ulat noong Hunyo sa Tacloban City na isang shooting incident rin sa loob rin ng isang eskwelahan at ito lahat ay kinasasangkutan ng mga menor de edad at ang mga may-ari ng baril na kanilang ginamit ay parehong mga tauhan ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Remulla na ang penalty lamang sa mga may-ari ng baril na ginamit sa krimen ay reckless imprudence habang ang batang gumamit nito ay itinuturing na isang juvenile.
Giit ni Remulla, dapat na ma-penalize ang mga may-ari ng nasabing baril at ang mga kaso sa loose firearms ay dapat na non-bailable .
Dagdag pa ni Remulla, kailangang magtulungan ng Kongreso, ng iba pang ahensya ng pamahalaan at mga may-ari ng baril para mapigilan ang mga ganitong klase ng krimen.