Advertisers
ISA pang “maleta boy” ang bumaligtad at inginuso sina Senador Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor na silang nasa likod ng gawa-gawang istorya ng pag-deliver ng male-maletang salapi sa mga dati at aktibong opisyal ng gobierno.
Ang dating sundalo na si Orly Guteza, nanaging badigard ni dating Cngressman Zaldy Co, ay lumabas sa matagal nang pagtatago at binawi ang kanyang salaysay noon na nag-deliver siya ng male-maletang kuwarta sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Si Guteza ang kauna-unahang tinaguriang “maleta boys” na nagsabing nag-deliver ng “kickback money” kay Romualdez.
Matatandaan na unang lumabas sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan noon ni Marcoleta si Guteza, kungsaan ipinakilala pa siya ng senador na “most credible witness” sa pag-deliver ng kickback money kay Romualdez at ilan pang indibidwal.
Sa pagdinig ay kapansin-pansin na mas kabisado pa ni Marcoleta ang affidavit ni Guteza. Pinagalitan n’ya pa nga ito sa maling pagbasa sa affidavit. Hehehe…
Ang naturang salaysay ni Guteza ay lalo pang naging kontrobersiyal nang ang abogadong nakapirma sa notaryo ay nagsabing hindi niya iyon pirma, pineke raw ang pirma niya.
Simula noon ay hindi na lumutang si Guteza. Inakala nga natin na pinaslang na ito. Hanggang sa lumabas nga ito nitong Miyerkoles at nagsumite ng affidavit ng pagbawi sa kanyang salaysay noon. Itinuro niya sina Marcoleta at Defensor na silang nasa likod ng lahat ng kalokohan Tinuruan lang daw siya magsinungaling kapalit ng malaking halaga plus scholarships ng kanyang mga anak.
Sina Marcoleta at Defensor ay nakakulong ngayon, hindi dahil sa maleta boys, kundi dahil sa P75 million campaign contribution na hindi dineklara sa SOCE at SALN ni Marcoleta noong 2022 election.
Bago ang pagbaligtad ni Guteza, may naunang apat na dating sundalo at dating badigard din ni Zaldy Co ang binawi ang kanilang salaysay na nag-deliver sila ng male-maletang kickback money sa ilang indibidwal at politiko.
Sa pagbaligtad ni Guteza at apat sa 18 maleta boys, malamang na maharap sa panibagong kaso sina Marcoleta at Defensor pati ang abogadong si Levi Baligod.
Tama naman si dating Senador Antonio Trillanes sa kanyang sinabi noon, na darating ang araw babaligtad at magsasabi ng totoo ang mga dating sundalo na kabilang sa maleta boys. Nangyari nga!
Binawi na ni Trillanes ang isinampang kasong perjury at libel sa apat na sundalong bumaligtad. Aniya, bilang dating sundalo nauunawaan niya ang mga ito na naghirap matapos mawalan ng trabaho.
Inaasahang marami pa sa natitirang maleta boys ang babaligtad dahil nakakulong na ang kanilang handlers. Mismo!