Advertisers

Advertisers

Bam Aquino nanawagan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng age restrictions sa video games, pagbabawal sa chat groups para sa minors

0 4

Advertisers

KASUNOD ng school shooting sa Zamboanga City na ikinasawi ng dalawang estudyante at sa harap ng panawagang ipagbawal ang video games para sa mga menor de edad, muling iginiit ni Senador Bam Aquino ang pangangailangan para sa Comprehensive School Safety Act at binanggit ang mga pag-aaral na nagsasabing hindi video games ang sanhi ng marahas na pag-uugali.

Sa halip na tuluyang ipagbawal ang first-person online games, isinusulong ni Aquino ang mas mahigpit na pagpapatupad ng age restrictions sa video games, katulad ng classification system na ginagamit sa mga pelikula at programa sa telebisyon.

“There’s an age restriction on movies and television shows. We need to look at stronger age restrictions pagdating sa violent games,” sabi ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.



Binanggit pa ni Aquino na dapat pag-isipan ang pagpapataw ng mga parusa sa game developers at mga magulang na hinahayaan ang mga bata na makapag-access ng mature-rated games sa kabila ng umiiral na age restrictions.

“Kung may mga bata na may access tapos iyong game is rated mature, mali iyon. Dapat may penalties iyon. Either doon sa developer, doon sa bata mismo, o maging sa parents,” giit niya.



Batay sa iba’t ibang pag-aaral, iginiit din ni Aquino na hindi dapat sisihin ang video games sa karahasan sa mga paaralan, at itinuro naman ang mga chat group bilang posibleng pinagmumulan ng mapanganib na content at impluwensiya.

“It’s the chat groups. It’s the lack of controls pagdating sa infiltration ng chat groups,” wika ni Aquino, kasabay ng pagsasabing dapat saklawin ng social media ban para sa mga menor de edad ang mga chat group o page kung saan maaaring malantad ang mga bata sa marahas, extremist, o iba pang mapanganib na content.



“If we want to be successful dito sa ating gustong gawin, kailangan umabot doon iyong mga reporma,” ani Aquino, na naghain ng Senate Bill No. 2299, o ang panukalang Digital Safety for Minors Act, na nagbabawal sa mga menor de edad na wala pang 15 taong gulang na gumamit ng mga social media platform.

Layunin ng panukala na tugunan ang lumalaking pangamba ukol sa epekto ng labis na paggamit ng social media sa mental health at kapakanan ng mga bata, habang pinoprotektahan ang mga kabataan laban sa mapanganib na online content na maaaring mag-ambag sa karahasan sa mga paaralan.

Isinusulong din ni Aquino ang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 2390, o ang Comprehensive School Safety Act, upang maiwasan ang pag-ulit ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban City at Zamboanga City.

Sinabi niyang palalakasin ng panukala ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng mga hakbang tulad ng karagdagang CCTV cameras, security guards o personnel, security volunteers, metal detectors, at mga protocol sa pag-check ng mga bag at armas.

Inaatasan din ng panukala ang mga paaralan na magpatupad ng localized National School Safety Framework na magtatakda ng mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng isang insidente ng karahasan.

Bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, tiniyak ni Aquino na maglalaan ng sapat na pondo para sa pagpapatupad ng Comprehensive School Safety Act kapag ito’y naisabatas, partikular para sa pagbili ng mga kinakailangang kagamitan.

“It’s a matter of political will. Kung nais natin mapondohan ‘to, mapopondohan natin ito,” dagdag niya. (Mylene Alfonso)