Advertisers
NASIRA o gumuho ang ilang flood control structures sa Sablayan at Santa Cruz, Occidental Mindoro kasunod ng ilang linggong malakas na pag-ulan, dahilan upang lumikas ang daan-daang pamilya at matabunan ng buhangin ang mga palayan.
Sa Barangay Claudio Salgado sa Sablayan, bumagsak ang bahagi ng river wall sa Amnay River at nahulog sa ilog ang ilang concrete slab.
Base sa impormasyon mula sa mga opisyal ng barangay at lalawigan, gayundin sa Sumbong sa Pangulo portal, nauugnay ang Sunwest Construction & Development Corp. sa naturang proyekto. Ang kumpanya ay inuugnay kay dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co.
Nasira rin ang mga flood control structure sa ibang bahagi ng Sablayan, kabilang ang Amnay River sa mga barangay Sta. Lucia at Victoria at ilang bahagi ng Patrick River.
Sinabi ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na may hindi bababa sa 26 DPWH flood control projects sa Sablayan na tinatayang nagkakahalaga ng P20 bilyon.
Naniniwala ang gobernador na posibleng mababa ang kalidad ng ilang materyales.
“Yung mga materyales, ang daling gumuho ng kanilang mga semento. Kung maayos kasi ’yung specification, halimbawa ’yung pilote,” ani Gadiano.
Sa Barangay Mulawin, Santa Cruz, bumagsak din ang bahagi ng seawall na itinayo noong 2023 at iniugnay sa Great Pacific Builders and General Contractor Inc. ng nag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya.
Ayon sa mga residente, wala pang dalawang taon nang magsimulang masira ang seawall. Sinabi naman ng mga opisyal ng barangay na hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang kontraktor bago simulan ang proyekto.
Nanawagan si Gadiano sa DPWH na inspeksiyunin ang mga nasirang istruktura at tukuyin ang tamang paraan ng pagkukumpuni.
“’Yung mga nasira sa Occidental Mindoro, hahabulin natin lahat ng mga kontratistang gumawa niyan,” ani DPWH Secretary Vince Dizon, sabay pangakong ipaaayos ang mga ito nang walang dagdag na gastos sa gobyerno.
(Boy Celario)