Advertisers
Pasay City — Nanawagan si Senador Mark A. Villar para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2426, o ang panukalang Comprehensive School Safety Act, sa kabila ng sunod sunod na insidente ng karahasan na kumitil sa buhay ng mga estudyante at kawani ng paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin ni Villar na ang bawat buhay na nasasayang ay nangangailangan ng konkreto, angkop, at mabilisang tugon upang maprotektahan ang mga bata,titser, personnel laban sa mga karahasan sa mga paaralan.
“Lubos pong nakakaalarma ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskwelahan. Kailangan po na magkaroon ng comprehensive at holistic na solusyon sa isyu na ito, lalong-lalo na at nakikita natin kung gaano kadali para sa mga kabataan ang magkaroon ng akses sa baril at iba pang deadly weapons,” ani Villar.
Ang substitute measure, na nakapaloob sa Committee Report No. 89, ay nagtatatag ng komprehensibo, angkop at mas pinalawig na polisiya para sa kaligtasan sa paaralan. Saklaw panukala ang mga paraan sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa iba’t ibang banta at emergency upang mapangalagaan ang pisikal, mental, psychosocial, pangkalusugan, at digital na kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.
Ikinatuwa din ni Senador Villar dahil naisama na mahahalagang probisyon ang dalawa niyang naunang inihain na panukalang batas: ang Senate Bill No. 2321, o ang Learning Institutions’ Guaranteed Threat Avoidance and Safety (LIGTAS) Act, at Senate Bill No. 2133, o ang Students’ Guidance Counseling Act.
Alinsunod sa LIGTAS Act, itinatakda ng Comprehensive School Safety Act ang mas pinaigting na presensya ng mga pulis at emergency response team sa loob o paligid ng mga paaralan. Tutulong ang mga ito sa pagsasagawa ng security inspections, threat assessments, at iba pang operasyong pangkaligtasan.
Inaatasan din ng panukala ang mga paaralan na maglagay ng mga kagamitang panseguridad gaya ng closed-circuit television cameras o CCTV at metal detectors.
Isinasama rin sa panukala ang mga propesyonal na interbensiyon para sa kalusugang pangkaisipan sa ilalim ng Students’ Guidance Counseling Act.
Layunin nitong tugunan ang lumalalang mental health crisis sa hanay ng kabataan at maagapan ang mga suliranin bago pa lumaki at maging mas mabigat na banta.
Binigyang-diin din ni Villar ang pangangailangang magbigay ng karagdagang suporta at proteksiyon sa mga guro at kawani ng paaralan na may tungkuling pangalagaan ang mga estudyante sa panahon ng emergency, kahit sila mismo ay nahaharap din sa panganib.
“Bukod sa kanilang teaching load, nakasalalay rin po sa ating teachers at school staff ang seguridad ng mga estudyante tuwing mayroong insidente tulad nang nangyari sa Tacloban at Zamboanga kung saan school personnel ang ilan sa naging biktima. Mahalaga rin po na bigyan sila ng karagdagang suporta at proteksyon,” ani Villar.
“At bilang mga mambabatas at mga magulang, responsibilidad natin na siguraduhing ang mga bata ay malaya at ligtas na makakapag-aral at makakauwi sa kanilang bahay. Walang bata ang dapat matakot pumasok sa paaralan at walang magulang ang dapat mangamba kung makakauwi pa ang kanilang mga anak,” dagdag niya.
Hinimok ni Villar ang kanyang mga kapwa senador na suportahan ang agarang pagsasabatas ng panukala, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi dapat hayaang maging normal o lalo pang lumala ang kultura ng karahasan sa loob ng mga paaralan.