Advertisers

Advertisers

POA, ‘DI MAKAPAGHUHUGAS- KAMAY SA CONFI FUNDS – REP. ABANTE

0 5

Advertisers

HINDI maaaring basta maghugas-kamay si dating Department of Education (DepEd) chief of staff Michael Wesley Poa sa kontrobersiya tungkol sa confidential fund na kinasasangkutan ni Vice President Sara Z. Duterte dahil isa siyang mataas na opisyal na nakaaalam sa mga nangyari sa ahensya, ayon kay House Committee on Human Rights chairperson at Manila Representative Bienvenido “Benny” Abante Jr. nitong Lunes.

Sinabi ni Abante na makatutulong ang inaasahang pagtestigo ni Poa sa impeachment court ng Senado upang matukoy kung ano ang kanyang nalalaman tungkol sa paghawak ni Duterte sa confidential funds noong siya ay kalihim ng edukasyon.

“Naniniwala po ako na si Atty. Michael Poa ay may pananagutan, sapagkat alam niya ang lahat ng nangyari,” ani Abante sa isang online press briefing.

“Hindi siya puwedeng maghugas-kamay sa paghawak at pag-dispose ng confidential funds,” diin ni Abante

Nagsilbi si Poa bilang undersecretary, chief of staff at tagapagsalita ni Duterte sa DepEd. Kasalukuyan din siyang bahagi ng defense team ni Duterte sa impeachment trial.

Pero inigyang-diin ni Abante na si Poa ay humaharap bilang testigo at hindi siya ang opisyal na isinasailalim sa impeachment.

“Si Atty. Michael Poa ay bahagi lamang ng impeachment, pero hindi siya ang impeachable officer, alam naman natin ’yan,” anang mambabatas.

“Ang gusto nating malaman ay kung ano ang alam niya tungkol sa mga ipinagawa ng ating Vice President, partikular sa confidential funds at sa umano’y panunuhol na naganap sa pagitan ng mga staff,” dagdag niya.

Naging bahagi si Poa ng mga naunang pagdinig sa Kamara kaugnay ng mga military certification na nakuha ng DepEd habang tumutugon ang ahensya sa mga finding ng Commission on Audit tungkol sa paggastos nito ng confidential funds.

Nagpatotoo naman sa House inquiry ang dating DepEd Undersecretary na si Nolasco Mempin na ang mga military certification ay nakuha sa kahilingan ni Poa.

Sinabi ni Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V na mas lilinaw ang lawak ng pananagutan ni Poa, kung mayroon man, matapos siyang magtestigo.

“Siguro, makikita natin sa mga darating na araw kung ano ang makukuha nating impormasyon mula sa kanya tungkol sa kanyang pananagutan,” ani Ortega.

“Pero sa pagkakaalam ko, wala namang naghain ng anumang kaso laban sa kanya,” dagdag niya.

Ayon kay Ortega, ang agarang layunin ay matukoy kung ano ang nalalaman ni Poa tungkol sa mga transaksiyon.

“Kaya nga maganda na kung ano man ang nalalaman niya ay sabihin niya upang makita ang pananagutan ng kanilang opisina,” aniya.

Nakatakdang iharap si Poa ng House prosecution ngayong linggo habang ipinagpapatuloy nito ang paglilitis kaugnay ng Article I, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit, maling paglalaan at iregular na liquidation ni Duterte ng confidential funds.