Advertisers
TINIYAK ng Marcos administration na hindi pababayaan ang mga pamilya ng dalawang Filipino seafarers na nasawi sa pag-atake sa Saudi-flagged crude oil tanker SIDR habang naglalayag sa Strait of Hormuz.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Malacañang sa mga naulila at mahal sa buhay ng dalawang Pilipinong tripulante na nasawi sa insidente.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa 16 na Filipino seafarers ang sakay ng naturang tanker nang mangyari ang pag-atake.
Agad namang na-contain ng mga tripulante ang sunog na sumiklab matapos ang insidente, ngunit hindi na nakaligtas ang dalawang Pilipino.
Sinabi naman ni Communications Undersecretary Claire Castro na mahigpit ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DMW na tiyaking matatanggap ng mga pamilya ng nasawing seafarers ang lahat ng nararapat na tulong, benepisyo at kompensasyon.
Patuloy din umanong nagbibigay ng updates kay Pangulong Marcos si DMW Secretary Hans Leo Cacdac hinggil sa sitwasyon ng mga Filipino seafarers na sangkot sa insidente.
Binigyang-diin ng Malacañang na mananatili ang suporta ng pamahalaan sa mga naiwang pamilya at sisiguraduhing maibibigay sa kanila ang kinakailangang tulong mula sa gobyerno. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)