Advertisers
Umabot na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na naglalayong gawing limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan o SK officials.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2387, isinusulong din ang pagpapaliban ng Barangay at SK Elections o BSKE na nakatakda sana sa Nobyembre 2026, at ilipat ito sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
Inendorso ng Senate Committee on Local Government ang panukala matapos lagdaan ng 16 na senador ang committee report na inihanda ni Senator Chiz Escudero.
Ayon kay Escudero, mas makatutulong umano ang limang taong termino upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga barangay at SK officials na maipatupad ang kanilang mga programa at serbisyo sa komunidad.
Binigyang-diin din ng senador ang mahalagang papel ng mga barangay at SK officials bilang mga unang tumutugon sa mga pangangailangan at problema ng kanilang mga nasasakupan.
Kung tuluyang maipapasa ng Senado at magiging batas ang panukala, maaantala ang BSKE ngayong 2026 at isasagawa na lamang sa Nobyembre 2028. ?Gayunman, kailangan pa itong pagtalunan at aprubahan ng Senado at House of Representatives bago tuluyang maging batas.
P8 BILYON NA GASTOS NG COMELEC PARA SA PAGHAHANDA SA BSKE ANG MASASAYANG?
Samantala umabot na pala sa P8.003 bilyon ang pondong inilaan ng Commission on Elections (COMELEC) para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa November 2, 2026, ngunit pinag-aaralan pa rin ng Senado na ilipat ang pagsasagawa nito sa 2028.
Lumabas ang halaga sa deliberasyon ng Senate Bill No. 2387, na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at SK. Kapag naisabatas, mananatili hanggang 2028 ang mga opisyal na nahalal noong 2023.
Kinuwestiyon ni Sen. Vicente Sotto III kung paano maipagpapaliban ang halalan gayong malaking bahagi ng P19-bilyong pondo para rito ang nagamit o nailaan na ng COMELEC.
Ayon kay Sen. Francis Escudero, sponsor ng panukala, nasa ?4.029 bilyon ang aktuwal na obligasyon, habang P3.974 bilyon naman ang earmarked o inilaan na para sa iba pang gastusin.
Saklaw nito ang paglilimbag at pag-iimbak ng mga balota, election forms at supplies, overtime pay, sahod, at pagkuha ng job order at casual workers.
Sinabi ni Escudero na hindi masasayang ang lahat ng gastusin sakaling ilipat sa 2028 ang BSKE. Maaari pa rin umanong gamitin ang mga balotang may petsang November 2, 2026 kung maglalabas ang COMELEC ng resolusyong nagpapahintulot dito.
***
Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com