Advertisers
Nagdala ng pagkain, inuming tubig, at grocery packs ang emergency response team ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga lugar sa Pampanga na lubog pa rin sa baha nitong September 4 at 5, 2026.
Bumisita ang team sa mga bayan ng Candaba at Macabebe noong Biyernes at pagkatapos ay pumunta sa Apalit, Sasmuan, Bacolor, at San Fernando City nitong Sabado.
Umabot sa mahigit 1,100 katao ang natulungan, kasama ang mga evacuee, tindero, tsuper, senior citizen, boat operator, rescuer, at iba pang manggagawa.
Sa Barangay San Agustin sa Candaba, libu-libong pamilya ang naapektuhan ng pinakamalaking baha ngayong taon ayon sa mga lokal na opisyal. Isang bahay ang gumuho dahil sa erosion, pero ligtas naman ang pamilya.
Ayon kay Barangay Chairperson Billy Pamintuan, ang tubig-baha mula sa Bulacan at Nueva Ecija ay dumadaloy papunta sa Candaba at binabaha ang Candaba Swamp. Iisang creek lang ang nagdadala ng tubig mula San Agustin papunta sa Pampanga River.
Nakakaapekto rin sa kabuhayan ang matagal nang pag baha. Napipilitan tuloy ang mga magsasaka na maging mangingisda habang baha pa ang kanilang mga sakahan.
Sa Barangay Paligui, nakipagkita ang team sa mga tindero ng isda at boat operators, kasama ang mga tricycle driver na nagiging boat operator kapag hindi na madaanan ang kalsada.
Sa Macabebe, namahagi ang team ng 300 grocery packs at 300 six-liter na tubig sa mga apektadong pamilya, boat operators, rescuers, at volunteers. Dahil sa baha, hindi natuloy ang face-to-face classes sa loob ng tatlong linggo, kaya lumipat sa alternative learning ang mga paaralan.
Kinabukasan, naghatid ang team ng mainit na pagkain at bottled water sa mahigit 350 evacuee sa Barangays San Juan at San Vicente sa Apalit. May mga evacuee na dalawa hanggang tatlong linggo nang lumikas.
Sa Barangay San Juan, hanggang leeg ang baha kaya napilitang umalis ang mga residente malapit sa creek sa Northville Site. Ayon sa mga residente, maaaring umabot ng dalawang buwan bago tuluyang humupa ang tubig.
“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa pagmamalasakit ninyo sa aming mga kabarangay. Malaking tulong po itong mga napadala ninyong food packs para sa aming evacuees dito” sabi ni San Vicente Barangay Chairperson Wilfredo Danting.
Sa Barangay Cabalantian, Bacolor, isang buwan nang suspendido ang face-to-face classes dahil sa baha. Namahagi ang team ng grocery packs at bigas sa mga residente doon noong September 5.
Sa Sasmuan, namahagi ng mainit na pagkain, bottled water, at grocery packs sa mga apektadong pamilya at boat operators, sa pamamagitan ni Vice Mayor Jhun Tamayo.
“Maraming maraming salamat po sa tulong na inyong ipinaabot sa aming mga kababayan doon po sa coastal. Malakas po ang ulan ngayon at malaki ang alon,” sabi ni Tamayo.
Sa San Fernando City, namahagi rin ng grocery packs sa mga delivery rider, barker, senior citizen, at pump attendant.
Sa kanilang pagbisita, naitala ng team ang mga pangangailangan tulad ng rescue boats, malinis na inuming tubig, evacuation facilities, protective clothing, drainage improvements, road at housing rehabilitation, at livelihood assistance para sa mga apektadong manggagawa.
Bukod sa pagpapatakbo ng emergency response initiative ng kanyang opisina, matagal nang isinusulong ni Cayetano mula noong 2013 ang isang permanenteng Emergency Response Department na mamamahala sa disaster preparedness, response, at long-term rehabilitation. Muli niyang inihain ito bilang Senate Bill No. 105 noong July 2025.
Kamakailan, binigyang diin din niya ang pangangailangan ng pambansang dialogue kung paano gagawing “as flood-free as possible” ang bansa.
Aniya, kailangang tugunan ang parehong praktikal na dahilan ng paulit-ulit na baha—tulad ng mahinang urban planning at mabilis na urbanization—at ang kawalan ng tamang pagpapahalaga, lalo na ang integridad, na pumipigil sa tunay na pagbabago at nagbibigay-daan sa korapsyon sa mga flood control projects.