Advertisers
Ni Anne Venancio
Nagbahagi si Sharon Cuneta ng ilang personal na kuwento tungkol sa kaniyang 30-taong pagsasama nila ng asawang si Kiko Pangilinan, pati na rin ang tungkol sa kanilang mga anak, career at bagong proyekto.
Ayon kay Sharon, naging parang roller coaster ang kanilang pagsasama. May mga panahong naging mahirap ang kanilang relasyon, pero hindi siya binitawan ni Kiko kahit gusto na niyang sumuko.
Malaking bagay umano sa kanilang relasyon ang pagiging supportive at secure ni Kiko. Dahil dito, mas naging panatag si Sharon sa kanilang pagsasama.
Sinabi rin ng Mega Star na hindi nila itinuturing na opsyon ang paghihiwalay. Para sa kanila, mahalaga ang respeto, tiwala at pananampalataya sa pagpapatibay ng kanilang pamilya.
Pagdating naman sa politika, malinaw ang sagot ni Sharon. Hindi siya interesado rito at mas gusto niyang ipagpatuloy ang kanyang career bilang singer at actress.
Aniya, mas gusto niyang gamitin ang kanyang talento sa concerts, television shows at movies upang mapasaya ang mga tao. Naniniwala rin siyang mas bagay sa politika ang kaniyang asawang si Kiko.
Ibinahagi rin ni Sharon ang tungkol sa kanilang mga anak. Si Miel ay nasa New York at nag-aaral sa kolehiyo, habang naghahanda si Frankie para sa bagong album. Si Casey naman ay abala sa kaniyang jewelry business at iba pang gawain. Samantala, nasa high school si Miguel.
Ayon kay Sharon, malapit sa isa’t isa ang magkakapatid at parang isang unit ang kanilang pamilya.