Advertisers

Advertisers

LEPTOSPIROSIS, SUMIKAD SA MAYNILA; ILANG OSPITAL PUNO NA

0 4

Advertisers

Sumipa na sa Maynila ang mga kaso ng leptospirosis, kung saan itinuturing nang nasa “epidemic condition” ang lungsod matapos lumampas sa epidemiologic threshold ang mga bagong naitalang kaso.

Sa ulat ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes ng umaga, sinabi nitong mabilis ang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa lungsod.

Batay sa datos ng Manila Health Department (MHD), umakyat sa 3.48% ang attack rate ng leptospirosis mula sa 1.27% noong nakaraang linggo.



Ipinapakita nito ang mabilis na pagdami ng mga nagkakasakit sa loob lamang ng maikling panahon, partikular matapos ang mga pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.

Dahil dito, ilang district hospital na pinamamahalaan ng city government ang umabot na sa full capacity, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital.



Sa gitna ng tumataas na bilang ng mga pasyente, inatasan ni Domagoso ang mga kinauukulang tanggapan ng lungsod na higit pang paigtingin ang kampanya laban sa leptospirosis.

Kabilang sa mga hakbang ang mas agresibong information drive upang maabisuhan ang publiko tungkol sa mga sintomas, pag-iwas sa sakit at agarang pagpapatingin kapag may mga senyales ng impeksiyon.



Ipinaalam din ng alkalde na may libreng doxycycline capsules sa lahat ng 44 health center at pitong district hospital ng lungsod.

Giit ni Domagoso, hindi dapat hintayin ng pamahalaang lungsod na lumapit ang mga residente para humingi ng tulong.

Sa halip, sinabi niyang dapat mismong mga health worker, katuwang ang 896 barangay, ang lumapit sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha upang mamahagi ng impormasyon at kinakailangang gamot bilang bahagi ng pinaigting na pagtugon sa banta ng leptospirosis.(BP)