Advertisers

Advertisers

Amendments ni Cayetano sa isang nutrition bill, palalakasin ang mga hakbang kontra stunting

0 8

Advertisers

Mas palalakasin ang pagtugon sa stunting sa ilalim ng national nutrition program matapos tanggapin ang amendments ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano para sa maagang pagtukoy, regular na monitoring, at targeted intervention sa mga batang nasa panganib na maging stunted.

Binasa sa Senate plenary nitong Lunes ang mga amendments ni Cayetano sa Senate Bill No. 2272 o ang Expanded National Nutrition Program Act, kasunod ng kanyang interpellation sa panukala noong nakaraang sesyon.



Pinuri ni Senate President Sherwin Gatchalian si Cayetano sa kanyang pagsusulong laban sa child stunting. Nagpasalamat naman ang bill sponsor na si Senator Paulo Benigno “Bam” Aquino sa mga amendment ng Minority Leader na aniya ay nakatulong para higit pang mapabuti ang panukala.

Sa ilalim ng amendments, kikilalanin ang stunting bilang isang mahalagang usapin sa kalusugan at edukasyon. Magkakaroon din ng iisang depinisyon para sa stunting, severe acute malnutrition at iba pang nutrition terms, pati ng pare-parehong paraan ng pagsukat.



Layunin nitong magkaroon ng iisang pamantayan ang mga ahensya ng gobyerno sa pagtukoy ng mga batang nangangailangan ng tulong, pagbuo ng intervention at pagsukat kung naging epektibo ang mga programa.

Magkakaroon din ng National Anti-Stunting Action Plan na magbibigay-prayoridad sa mga lugar na mataas ang kaso ng stunting at food insecurity para sa technical at financial assistance.



Iminungkahi rin ang Nutrition and Growth Monitoring Program para regular na masubaybayan ang timbang, tangkad o haba at iba pang nutrition indicators ng mga bata.

Malaking papel naman ang gagampanan ng mga local government units o LGUs, dahil sila ang nasa sentro ng pagpapatupad ng programa sa mga komunidad.

Sa barangay, ang mga Barangay Health Workers, Barangay Nutrition Scholars at iba pang trained personnel ang tutukoy sa mga batang undernourished, stunted o nasa panganib na magkaroon nito.

Kasama rin sa panukala ang mga gawaing isinasagawa na sa Taguig City, partikular ang integrated approach nito sa nutrition, health monitoring at physical activity.

Sa mga paaralan, regular ding susukatin ang height at weight ng mga batang nasa school age at magsasagawa ng nutrition assessment.

Tututukan din ng programa ang unang 1,000 araw ng buhay ng bata, mula sa pagbubuntis hanggang sa unang 24 buwan. Kabilang sa mga maaaring intervention ang feeding support, complementary food, Ready-to-Use Therapeutic Food, Vitamin A at zinc supplementation.

Ang mga pagbabagong ito ay kasunod ng panawagan ni Cayetano na huwag lamang bilangin kung gaano karami ang mga batang stunted.

Mas mahalaga, aniya, na matukoy kung sino mismo ang mga batang nangangailangan ng tulong at kung anong intervention ang kailangan nila.

Hinimok din ni Cayetano ang mga mambabatas na gawing mas malinaw sa batas ang mga intervention na maaari nang ipatupad.

“When we cannot be specific, let’s be general. Anything that we cannot specify na ito gawin, we’ll talk about it in general. But anything that we can specify, [let’s work on it] to ensure the success of this bill,” sabi niya.