Advertisers

Advertisers

MISTER NI VP SARA POSIBLE GAWING ‘HOSTILE WITNESS’

0 5

Advertisers

MAAARING pag-isipan ng House prosecution panel na ipatawag bilang “hostile witness” sa impeachment trial ng Senado si abogado Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, ayon kay Bicol Saro Representative Terry Ridon nitong Huwebes.

Ayon kay Ridon, pinag-aaralan ng mga prosecutor kung magiging mahalaga ang testimonya ni Carpio sa Article II ng impeachment complaint, na tumutukoy sa alegasyon ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.

Sinabi ni Ridon, na bahagi ng prosecution panel na nakatalagang maglahad ng ebidensya sa Article II kasama si Akbayan Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno, na maaaring ipatawag si Carpio kung lumitaw ang pangalan nito sa mga rekord ng bangko o iba pang dokumentong may kaugnayan sa mga alegasyon.

“Pwede pong pag-isipan, kasi siyempre kung halimbawa napapangalanan siya doon sa ilang bank accounts, kung napapangalanan po siya doon sa ilan pong mga dokumento, eh I think rightfully, pwede pong maipatawag para maitanong yung katotohanan sa likod po ng mga dokumento na ito,” ani Ridon.

Gayunman, nilinaw ni Ridon na hindi pa kasama si Carpio sa kasalukuyang listahan ng mga testigo ng prosecution.

“I think that is still at a very early stage in our discussions… Wala pa naman po sa pinag-uusapan na maisama po si Atty. Carpio doon po sa bilang po ng witnesses po namin as a hostile witness,” ani Ridon.

Gayunman, sinabi niyang maaari paring pag-isipan ng prosecution ang posibilidad na isama si Carpio bilang hostile witness.

Kabilang sa unang listahan ng mga testigo ang mga opisyal at kinatawan mula sa mga bangko, Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Securities and Exchange Commission (SEC). Inaasahang magbibigay ang mga ito ng mga rekord hinggil sa mga transaksiyong pinansyal, pagbabayad ng buwis at mga rehistradong negosyo ng bise presidente at ng kanyang asawa.

Ayon kay Ridon, nasa kamay narin ng prosecution ang mga dokumentong ipinatawag ng Senate impeachment court, kabilang ang mga rekord kaugnay ng mga bank account at corporate registration.

Nasa possession din ng prosecution panel ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagdetalye ng tinatayang P6.7 bilyong halaga ng mga transaksiyong pinansyal na kinasasangkutan ng mag-asawang Duterte-Carpio sa loob ng 20 taon.

Iniulat na ilang bangko ang nag-flag sa mga naturang transaksiyon bilang covered at suspicious transactions.

Batay sa ulat, mahigit P4 bilyon ang sangkot sa mga pumasok na pondo o inflows, habang nasa P1.5 bilyon ang mga lumabas na pondo o outflows.

Nakatakdang simulan nina Ridon at Diokno sa Lunes ang paglalahad ng ebidensya kaugnay ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Hiniling na rin ng prosecution sa impeachment court na magpalabas ng subpoena para sa unang tatlong testigo.

Bago ang paglalahad ng ebidensya, naghain din ang prosecution ng request for admission kaugnay ng mga bank account at financial transactions ni Duterte.

Nauna nang sinabi ni Diokno sa korte na kung kukumpirmahin ni Vice President Duterte ang pagkakaroon ng mga naturang account, maaaring hindi na kailangang ipatawag ng prosecution ang hindi bababa sa 15 testigo, na makatutulong upang mapabilis ang paglilitis.