Advertisers
ITINANGGI ni Senator-Judge Panfilo “Ping” M. Lacson na sinabi niyang dapat matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio pagsapit ng Disyembre, at binigyang-diin na wala siyang kapangyarihan o impluwensiya upang diktahan ang timeline ng mga paglilitis.
Binigay ni Lacson ang paglilinaw matapos sabihin ni Sen. Alan Peter Cayetano nitong Lunes na sinabi umano ni Lacson na dapat matapos pagsapit ng Disyembre ang impeachment trial.
“A classic case of putting words into my mouth. I never said, ‘Dapat matapos ang impeachment by December.’ I do not have the power or influence to dictate the timeline,” ani Lacson sa isang post sa X.
Binanggit ni Cayetano ang umano’y pahayag ni Lacson habang tinatalakay niya sa isang panayam ang tinawag niyang “threats” laban sa mga miyembro ng Senate minority bloc.
Nauna nang sinabi ni Lacson na kung nakakatakot—o kahit nakakayanig—sa mga kurakot ang kanyang anti-corruption crusade, nangangahulugan lamang ito na may ginagawa siyang “right and good for the country.”
Nauna nang nagsumite si Lacson at ang kanyang staff sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na suportado ng mga opisyal na dokumento at naglalahad ng tinawag nilang “systemic anomalies” sa mga flood-control infrastructure project.
Bukod dito, nagsumite rin si Lacson at ang kanyang team sa Ombudsman ng ilang ebidensyang nakalap nila kaugnay ng mga umano’y illegal reclamation at infrastructure project sa Taguig City. (Mylene Alfonso)