Advertisers
ANIM na armadong indibidwal ang nasawi nang mauwi sa palitan ng putok ang isang joint law enforcement operation ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Barangay Balong, Tugunan, Special Geographic Area (SGA), BARMM nitong Setyembre 19.
Ayon sa 6th Infantry Division, target ng operasyon ang isang indibidwal na may warrant of arrest kaugnay ng kasong carnapping with homicide.
Batay sa ulat ng militar, sinalubong ng putok ang mga operatiba habang papalapit sa kinaroroonan ng kanilang target. Nauwi ito sa engkuwentro na ikinasawi ng anim na armadong indibidwal.
Limang armas ang narekober ng mga awtoridad sa lugar, kabilang ang apat na M16 rifle at isang Garand rifle.
Samantala, nasa 350 residente ang pansamantalang lumikas dahil sa insidente. Ang mga evacuee ay kasalukuyang nakasilong sa dalawang evacuation centers.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa lokal na pamahalaan upang matiyak ang seguridad sa lugar at maihatid ang kinakailangang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng bakbakan.