Advertisers
MARAMI ang napakamot sa ulo nang mapalitan si retired Lt. General Ernesto “Jun” Torres Jr. bilang Executive Director ng NTF-ELCAC. Bakit nga ba? Retired general, matagal sa serbisyo, sanay sa command and control, tapos biglang—palit! Siyempre, naglabasan agad sa lungga ang ating mga bubwit sa Palasyo, at mukhang busog na busog sa keso ang mga mokong.
Ayon sa kanilang mga bulong, hindi na raw nagustuhan ng mga “panginoon” sa itaas ang naging takbo ng National Secretariat sa ilalim ni Torres. Ang isang whole-of-nation task force daw kasi ay tila naging whole-of-general headquarters! Ang reklamo umano: parang military unit ang pagpapatakbo—may commander, may sariling tropa, may sariling programa, at tila lahat kailangang umikot sa headquarters.
Hoy! NTF-ELCAC po iyan, hindi Division headquarters!
Ang NTF-ELCAC ay binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na may kani-kaniyang mandato, expertise, resources at responsibilidad. Ang Secretariat dapat ang tagapag-ugnay, hindi bida, hindi superstar, at lalong hindi one-man army. Pero ayon sa mga bubwit natin sa OP, dumami ang mga tauhang may military background sa Secretariat. Wala namang masama roon dahil napakaraming mahuhusay na sundalo at retiradong opisyal. Ang problema, may ilan umanong bagong salta pero kung umasta ay parang sila na ang sumulat ng Executive Order 70. Security? Alam! Development? Alam! Communicarions? Alam! Governance? Alam! Budget? Lalong alam! Susmaryosep. Kung totoo ang kuwento ng ating mga bubwit, parang ang motto tuloy ay: “Kapag hindi natin trabaho, gawin natin. Kapag trabaho ng ibang ahensiya—gawin din natin!” Tira dito, pasok doon, programa rito, aktibidad roon. Tira-pasok!
At may mas nakakatawa—kung hindi sana pera ng bayan ang pinag-uusapan. Ayon sa isang bubwit natin sa Malacañang, “Basta may budget pa, may maiisip na pagkagastahan.” Aray! Kung totoo iyan, ibang klase rin ang creativity. May pera? Gawa ng programa. May natira? Gawa ulit. May balance pa? Meeting muna para pag-usapan kung ano pa ang puwedeng pagkagastahan! Pero nasaan ang mission objective? Nasaan ang resulta? Ano ang accomplishment? Ano ang naging epekto sa mandato ng NTF-ELCAC? Baka naman ang accomplishment ay “Budget utilized: 100 percent.” Achievement unlocked! Sanamagan!
May isa pang bulong na mas dapat pag-isipan. Sa halip daw na makipag-isa sa member-agencies, nagkaroon ng pagkakataong tila nakikipagkompetensiya pa ang opisina ng executive director sa sarili nitong mga kasama. Kung totoo iyan, aba’y kakaiba. Parang point guard na imbes ipasa ang bola sa kakampi ay siya nalang nang siya ang tumitira, tapos kapag hindi pumasok, kasalanan ng team. Hindi ganyan ang whole-of-nation approach. Ang Secretariat ay dapat conductor ng orchestra. Hindi puwedeng conductor na siya na rin ang violinist, drummer, trumpeter, singer, ticket seller at audience—at pagkatapos, siya rin ang pumapalakpak sa sarili niya!
Kaya ngayon, pumasok sa eksena ang bagong Executive Director na si retired Gen. Danilo “Dan” Pamonag. Hindi ordinaryong heneral ang dumating. Beterano siya ng Zamboanga siege at Marawi, isang opisyal na dumaan sa tunay na labanan kungsaan ang maling desisyon ay hindi lamang bad publicity—buhay ang kapalit. Kaya mataas ang expectation.
General Pamonag, may bago kayong battlefield. Walang mortar, walang artillery, walang sniper, pero maraming memo, meeting, cluster, committee, powerpoint at budget proposal. At minsan, General, baka mas mahirap pa iyan!
Ang unang misyon ay simple sa papel pero mahirap gawin: ayusin ang makina. Linawin kung sino ang gumagawa ng ano at ibalik ang Secretariat sa tunay nitong trabaho—coordination, integration, monitoring at synchronization ng mga ahensiya. Hindi kompetisyon o pagalingan sa gastos, hindi duplication, at lalong hindi pagtatayo ng sariling republika sa loob ng Task Force. Ang NTF-ELCAC ay hindi dapat maging lugar kung saan paramihan ng programa o palakihan ng budget ang sukatan ng performance. Ang sukatan dapat ay kung gaano kalaki ang naiambag sa kapayapaan, development at tuluyang pagwawakas ng local communist armed conflict.
At paano naman ang mga naiwan mula sa lumang sistema? Simple lang. Kung mahusay, panatilihin. Kung kailangan, gamitin. Kung produktibo, suportahan. Pero kung ang qualification lamang ay, “Tauhan ako ni General…” aba, may salitang matagal nang ginagamit sa gobyerno: delicadeza. Magbigay naman ng espasyo sa bagong lider upang makapili ng kanyang team at maituwid kung ano man ang kailangang ituwid. Hindi naman puwedeng umalis na ang kusinero pero ang mga assistant cook niya naroon pa rin at ipinipilit ang lumang recipe, tapos magtataka tayo: “Bakit pareho pa rin ang lasa?”
At tandaan natin: hindi pag-aari ninoman ang NTF-ELCAC. Hindi rin ito pag-aari ni Pamonag. Hindi ito pag-aari ng mga heneral at lalong hindi ito pag-aari ng National Secretariat. Pag-aari ito ng sambayanang Pilipino. Mismo!