Advertisers

Advertisers

CALE88 CANDIDATE FOR MONEY LAUNDERING – AMLC

0 32

Advertisers

MAAARING ituring na “candidate for money laundering” ang Cale88 Foods Corp., ang kumpanyang may bahagi ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio, dahil sa malaking diperensya sa financial capacity nito at daan-daang milyong pisong dumaloy sa mga account nito, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Ito ang sinabi ni AMLC Secretariat Executive Director, Atty. Ronel Buenaventura, sa pagpapatuloy ng kanyang testimonya sa impeachment trial ni Duterte sa Senado nitong Martes, Oktubre 6, 2026.

Tinanong ni Senate President Sherwin “Win” Gatchalian si Buenaventura hinggil sa AMLC records na nagpapakitang nakapagtala ang Cale88 ng P776.6 milyon na inflow at P154.6 milyon na outflow mula 2022 hanggang 2025.



Samantala, sinabi ni Gatchalian na P125,000 lamang ang paid-up capital ng kumpanya.

“Ang sales nila since 2021 was only P23 million, assets nila P18 million, and liabilities ay P20 million,” ani Gatchalian.



Dahil dito, tinanong ng Senate President si Buenaventura kung maaaring maging indikasyon ito na ang Cale88 ay “candidate for money laundering,” lalo na kung hindi maipaliwanag o makita sa accounting books ng kumpanya ang naturang P776 milyon.

Bilang tugon, sinabi ni Buenaventura na maaari itong maging panimulang konsiderasyon, ngunit kailangan pa ring tingnan ang iba pang mga salik.



“As a starting point po, it’s difficult to say. As starting point, maaari po, but we have to consider all other factors,” ani Buenaventura.

Nang muling tanungin kung maaari itong maging “candidate for money laundering,” sumagot ang AMLC official:

“Kung candidate lang po, yes, but we have to consider all other factors.”

Ipinaliwanag ni Buenaventura na sa isang money laundering investigation, kailangang matukoy kung saan nagmula ang pera at kung may kaugnayan ito sa isang unlawful activity.

Kabilang sa mga posibleng predicate offense na maaaring imbestigahan ang kidnapping for ransom, drug trafficking, at graft and corruption, ayon sa AMLC official.

“The proceeds must come from illegal activity,” dagdag niya.

Itinutok din ni Gatchalian ang pansin sa malaking halaga ng perang pumasok sa Cale88 mula sa China.

Ayon sa AMLC records na iniharap sa impeachment court, nakatanggap ang Cale88 ng kabuuang P319.326 milyon na inward remittances mula mainland China at Hong Kong.

Sa naturang halaga, nasa P315.94 milyon ang nagmula sa mainland China habang humigit-kumulang P3.39 milyon naman ang mula Hong Kong.

May ilan sa mga transaksiyong ito na na-flag bilang suspicious dahil umano sa kawalan ng malinaw na legal o trade obligation, purpose o economic justification.

Mayroon ding mga transaksiyong itinuring na kahina-hinala dahil hindi umano tugma ang halaga sa business o financial capacity ng kliyente.

Ayon kay Gatchalian, mahalagang siyasatin kung lehitimo ang mga kumpanyang nasa China na nagpadala ng pera sa Cale88.

“Dito niyo na titingnan kung saan nanggaling yung pera. Dito niyo na rin titingnan, kasi kalahati ng sales nila, galing ng China whether yung entity sa China is legitimate or not,” ani Gatchalian.

Sinabi naman ni Buenaventura na karaniwang bahagi ng imbestigasyon ang pagsusuri sa lahat ng kaugnay na salik, kabilang ang pinagmulan ng pera at pagkakakilanlan at lehitimong katayuan ng mga entity na sangkot sa transaksiyon.

Samantala, sinabi ni Gatchalian na bukod sa P125,000 na paid-up capital, mayroon lamang umanong P23 milyon na cumulative sales mula 2021, P18 milyon na assets at P20 milyon na liabilities ang Cale88.

Tinanong niya kung makatuwiran ang ganitong financial capacity kumpara sa P776 milyon na inflow na naitala sa mga account ng kumpanya.

Sinabi ni Buenaventura na kailangan munang suriin ang nature ng negosyo ng Cale88 at magsagawa ng karagdagang imbestigasyon kung kinakailangan.

Ang mga pahayag ni Buenaventura ay bahagi ng testimonya ng AMLC sa impeachment proceedings laban kay Duterte. Ang pagtukoy sa Cale88 bilang maaaring “candidate for money laundering” ay hindi nangangahulugang napatunayang sangkot na ang kumpanya sa money laundering, at sinabi mismo ng AMLC official na kailangan pang isaalang-alang ang iba pang mga salik sa pagsusuri ng mga transaksiyon.