Advertisers
NAGPALITAN ng maaanghang na mga salita at nagsigawan si Reina Mercedes Vice Mayor, Atty. Harold Respicio, at ang ka-pitan ng Barangay Sinippil sa isinagawang Civilized Forum sa munisipyo ng Reina Mercedes, Isabela noong Lunes, Oktubre 5, 2026.
Ayon kay Respicio, layunin ng forum na alamin kung saan ginamit ng mga kapitan ng barangay ang pondo mula sa tobacco excise tax.
Nagsimula ang pagsigaw ni Respicio nang tanungin nito ang isang kapitan tungkol sa isang proyektong nagkakahalaga umano ng P5 milyon sa kanilang barangay na hindi naisagawa.
“Puro ghost project ang nangyayari sa pera ng taumbayan. Dapat ibigay nalang na cash sa mga tobacco farmers ang excise tax,” paliwanag ni Respicio.
Tumaas ang boses ng bise alkalde at tinawag na sinungaling ang mga naroroon nang hindi direktang masa-got ng kapitan ang kaniyang tanong kung nasimulan o natapos na ang naturang proyekto.
Sinita naman si Respicio ng isa sa mga kapitan at sinabing hindi dapat pasigaw ang pa-kikipag-usap nito sa kanila.
Ipinaliwanag ni Respicio na nasa isang “Civilized Forum” sila at ngayon lamang nila pag-uusapan nang prangka ang tungkol sa mga proyekto.
Kasunod nito, tinanong ang kapitan ng Barangay Sinippil tungkol sa umano’y panghaharang sa mga magsasaka ng tabako.
Tahasan itong sumagot at gumanti ng duro kay Respicio, naging simula ng palitan ng maaanghang na salita sa pagitan ng dalawa.
Sa kabila ng pag-awat sa kanila, hindi nagpatinag ang dalawa.
Tinawag ng kapitan si Respicio na “bastos”, habang tinawag naman siya ng bise alkalde na “magnanakaw.”
Sa huli, sinabi ni Respicio na humingi rin siya ng paumanhin sa mga kapitan at nagkapatawaran sa nangyari.
Samantala, base sa post ng official Facebook page ng Bgy. Sinippil, ipinakita nila ang isang barangay health station, child development center at ilang kalsada na umano’y galing sa tobacco excise tax.
“Patunay na sa Barangay Sinippil, maayos at ramdam ang serbisyo para sa lahat! ” ayon sa barangay.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang kapitan ng barangay ukol sa nangyari.(Rey Velasco)