Advertisers
CAINTA, RIZAL — Pinarangalan ni Education Secretary Sonny Angara si 14-taong-gulang na si Bryan Ezel Pamonag ng DepEd Heroes Award dahil sa kanyang ipinamalas na katapangan sa insidente ng pamamaril sa kanilang paaralan sa South Cotabato noong Setyembre 18. Bagama’t nasugatan ang kanyang braso, hinarap niya ang salarin at tiniyak ang ligtas na pagtakas ng kanyang mga kaklase.
Kasabay nito, iginawad din ang unang DepEd Achievers Award sa apat na mag-aaral mula sa Fountain International School ng San Juan City. Sina Jamil Oumar Hataman, Mateo Antonio Sarandi, Prince Akram Qayum, at Mysha Mahreen Macabuat ay nag-uwi ng mga medalya sa TeenEagle English Global Finals sa London noong Hunyo 2026.
Ginanap ang paggawad kasabay ng paglulunsad ng National School Safety Week sa Cainta Elementary School noong Oktubre 12. Binigyang-diin ni Sec. Angara na ang mga parangal ay pagkilala sa katapangan at kahusayan ng kabataan, habang ipinapaalala ang pananagutan ng lahat na panatilihing ligtas ang mga paaralan.
Inaalay ni Pamonag ang kanyang parangal sa mga biktima ng insidente at sa kanyang paaralan. Samantala, ipinagmalaki ng mga medalist ang kanilang nakamit at nagpasalamat sa suporta ng kanilang mga guro at pamilya. (Edwin Moreno)