Advertisers
HINDI nangangahulugan na ang pagbibigay ng due process kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ay magsisilbing panangga upang makaiwas ito sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, ang kanyang panawagan na bigyan ng due process ang kapwa senador ay layuning matiyak na makakaharap ito sa paglilitis sa ICC nang hindi nalalagay sa panganib ang kanyang buhay o nauuwi sa karahasan at trahedya ang proseso ng pag-aresto.
Muli ring binigyang-diin ni Lacson na ang due process ay isang pangunahing karapatan ng bawat tao, kabilang si Dela Rosa, na dati niyang naging tauhan sa Philippine National Police (PNP) at Presidential Anti-Organized Crime Task Force.
Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant na inilabas ng ICC kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos malaman ang tungkol sa naturang warrant noong huling bahagi ng nakaraang taon, nagtago si Dela Rosa.
Sandali siyang nagpakita sa Senado noong Mayo 11 upang bumoto kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President, ngunit muli ring umalis kasunod ng pamamaril sa loob ng Senado noong Mayo 13. (Mylene Alfonso)