Advertisers

Advertisers

SENADOR MARK VILLAR, ISINUSULONG ANG MAS MATIBAY NA PROTEKSYON SA MANGGAGAWA AT PAGLIKHA NG MAS MARAMING DEKALIDAD NA TRABAHO

0 64

Advertisers

Nanawagan si Senador Mark Villar ng isang komprehensibong estratehiya sa nakatuon sa pagpapaunlad ng kakayahan, pagsasanay na angkop sa pangangailangan ng mga industriya, at mas matibay na proteksyon sa mga manggagawa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 49.21 milyon ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong Hulyo 2026. Gayunman, nanatili sa higit 3.14 milyon ang mga walang trabaho, katumbas ng 6.0 porsyento, habang lampas 6.33 milyon naman ang mga manggagawang kulang sa trabaho.

Kinilala rin ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na nananatiling hamon sa labor market ng bansa ang kawalan at kakulangan ng trabaho, na nagpapatingkad sa pangangailangan para sa mga patakarang nagtataguyod ng pangmatagalan at inklusibong empleyo.



Binigyang-diin ni Senador Villar na hindi lamang dapat nakabatay sa dami ng nalilikhang trabaho ang tagumpay ng mga programa sa empleyo, kundi pati sa kalidad ng mga ito—kabilang ang makatarungang sahod, seguridad sa trabaho, at mga oportunidad para sa pag-unlad ng sarili.

“Hindi sapat na makalikha lamang tayo ng maraming trabaho. Dapat nating tiyakin na ang mga ito ay dekalidad, may sapat at makatarungang sahod, at nagbibigay ng oportunidad para sa pangmatagalang pag-unlad ng sarili at ng kakayahan,” ani Villar.



Upang gawing mas abot-kamay ang mga oportunidad sa trabaho, isinusulong ni Villar ang mga panukalang batas na naglalayong alisin ang mga hadlang sa paghahanap ng trabaho at mas maayos na maiugnay ang mga manggagawa sa mga oportunidad sa iba’t-ibang trabaho. Kabilang dito ang panukalang Kabalikat sa Hanapbuhay Act (Senate Bill No. 1272), na naglalayong mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga mahihirap na naghahanap ng trabaho, at ang Barangay Skilled Workers Registry Act (Senate Bill No. 1641), na naglalayong mapadali ang pagtutugma ng mga bihasang manggagawa sa mga oportunidad sa kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin din ni Villar ang kahalagahan ng paghahanda sa mga manggagawang Pilipino sa epekto ng mga makabagong teknolohiya, partikular ang artificial intelligence at automation, na patuloy na nagbabago sa mga industriya at pangangailangan sa trabaho.



Layunin ng kanyang panukalang Workers’ Protection and Skills Development on Digital Economy Job Disruption Act (Senate Bill No. 649) na palakasin ang proteksyon sa mga manggagawa at isulong ang pagpapaunlad ng kanilang kakayahan sa gitna ng mga pagbabago sa digital na ekonomiya.

Nanawagan din siya ng mas matibay na ugnayan sa pagitan ng TESDA, mga institusyong pang-edukasyon, at pribadong kumpanya upang matiyak na ang mga programa sa pagsasanay ay naaayon sa nagbabagong pangangailangan ng mga industriya tulad ng manufacturing, information technology, logistics, at tourism. Binigyang-diin din niya ang pangangailangang suportahan ang mga freelancer at iba pang manggagawa sa digital economy sa pamamagitan ng mas malawak na access sa pagsasanay, oportunidad sa kabuhayan, at angkop na proteksyon sa paggawa.

Sa antas ng komunidad, nangako si Villar na ipagpapatuloy ang MARKAbuhayan, ang buwanang job caravan, kasabay ng pagsusulong ng mga repormang batas pag-gawa na magpapalawak sa mga oportunidad sa trabaho at maglalapit sa mga ito sa mga komunidad ng mga Pilipino.

“Ang tunay na layunin ng paglikha ng trabaho ay hindi lamang mabigyan ng hanapbuhay ang ating mga kababayan, kundi matiyak na mayroon silang kakayahan, proteksyon, at oportunidad upang umunlad. Dapat nating ihanda ang ating mga manggagawa sa pangangailangan ng industriya at tiyaking may patas na pagkakataon silang makamit ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya,” pagtatapos ni Villar.