Advertisers
Lagi na, hindi maiiwasan ang pagpapalit ng pinuno ng isang ahensiya, gaano man siya kahusay, may mga pangangailangang bigyang pagkakataon naman ang bagong mukha, bagong liderato, at hindi ito bago sa Bureau of Customs (BOC).
Masasabing katangi-tangi ang naipakitang serbisyo ni dating BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na pinalitan siya ng isa ring mahusay na ginoo – sa katauhan ni dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na nitong Huwebes, Nobyembre 19 ay pormal na nanungkulan bilang bagong Customs Commissioner, matapos na hiranging at manumpa sa Malakanyang sa harap ni Presidente Bongbong Marcos, ilang araw na ang nakalilipas.
Nito ring nakaraang linggo, sa pmumuno ni Manila International Container Port (MICP) District Collector Atty. Felipe Geoffrery K. De Vera IV, inihatid niya ang matapat na paghanga kay Commissioner Nepomuceno, at ang mainit na pagsalubong at pagbati kay Commissioner Mendoza.
Hudyat iyon ng pagpapalit ng liderato, pagsasara at pagbubukas ng bagong pinto sa bagong pinuno ng Aduana, at ang mabunying pamamaalam sa lilisang Komisyoner Nepomuceno.
May mga nagtatanong, ano ba ang maaaring asahan kay Commissoner Mendoza?
Hindi na pala bago sa BOC si Commissioner Mendoza – welcome back po!
Siya ay dati nang opisyal ng Customs – sa Port of Cebu – at sa pagbabalik sa ahensiya, malaki ang inaasahan sa natatangi at malawak na karanasan sa pangongolekta ng kita ng gobyerno, kaya hindi na bago sa kanya ang tungkulin hahawakan ngayon.
Isa sa mandato ng BOC ay kumolekta rin ng taripa, mga buwis at iba pang bayarin, kaya malaki ang pagtitiwala kay Mendoza na magagampanan niya ang tungkuling iniwan ni Commissioner Nepomuceno.
Ang mga opisyal at kawani ng Aduana at mga mga stakeholder ng kawanihan ay mataas ang inaasahan na maipagpapatuloy ni Mendoza ang mga repormang nakatuon sa mas mahusay na revenue collection, pagpigil sa smuggling, at pagpapalakas ng pananagutan sa loob ng ahensiya.
Alam ng bagong Customs Commissioner na hindii sapat ang pagpapatuloy lamang ng mga umiiral na programa, at alam niya ang panawagan ng publiko na magkaroon ng mas malalim na reporma sa human resource management at organizational structure ng ahensiya.
Isang bagong kabanata ang binubuksan ngayon sa Aduana, na may napakalaki at mahalagang tungkuling ginagampanan sa papel sa ekonomiya at seguridad ng bansa.
Kapuri-puri nga, sabi ng marami, lalo na sa hanay ng media, ang pagkilala sa mga repormang inilatag at naipatupad sa panahon ni Ariel Nepomuceno, at ito ay isang malaking hamon sa liderato ni Commissioner Mendoza.
***
Sa maraming opisyal at kawani ng ahensiya, naniniwala sila makakaya, marahil ay mahihigitan pa ni Commissioner Mendoza ang mataas na pamantayang naitala ni Nepomuceno.
Nagtitiwala sila kay Mendoza na bunga ng maraming katungkulang hinawakan na sa gobyerno at pribadong sektor, mataas ang pagtitiwala sa bagong komisyoner na higit pang patatagin ang institusyon sa pamamagitan ng komprehensibong reorganisasyon ng mga tauhan at mahigpit na kampanya laban sa katiwalian.
Kabilang sa mga panawagang lumulutang mula sa ilang sektor ang pagsusuri sa mga nakatalagang acting COO III at COO V positions.
Mahalaga ang mga puwestong ito na may sensitibong tungkulin at ang hahawak nito ay nararapat na may sapat na kwalipikasyon, karanasan, at integridad.
Sa mga nakausap nating opisyal ng Aduana, para sa kanila, ang isang merit-based at performance-driven bureaucracy ang isa sa mga susi upang higit pang mapataas ang kredibilidad ng Bureau of Customs.
Umaasa sila, sa taglay na integridad ni Mendoza, mas paiigtingin ng bago nilang panunungkulan ang inaasahang internal cleansing program laban sa mga tiwaling opisyal at empleyado na patuloy na sumisira sa imahe ng ahensiya.
Marami nang nagawang reporma si Nepomuceno, pero hindi maikakaila, nananatiling malaking hamon para sa Customs ang pagsugpo sa smuggling, corruption, at iba pang iregularidad na nagdudulot ng pagkawala ng bilyun-bilyong piso sa kaban ng bayan bawat taon.
Sa kabuuang pagsusuri, makikita ang tunay na sukatan ng epektibong liderato at ang tagumpay ng bagong punong tagapamahala ng BOC ay hindi lamang ang malaking koleksiyon sa taripa, buwis at iba pang karagdagang bayarin – na napakahalaga sa pamahalaang nasyonal dahil sa maraming programa at proyektong dapat na matustusan ng matatag na pinansiya.
Isa ito sa mandato ng BOC – ngayon ay nasa kamay ni Commissioner Mendoza.
Isang pangangailangan na inaasahang malilikha ng bagong liderato ay ang kakayahan na magawang isang matatag at mapagkakatiwalaang serbisyo sa Customs – ito ay pagsisilbing kalakip ang mataas na pagtingin at gawaing propesyonal, transparent, at mapagkakatiwalaan ng publiko.
Sa pananaw ng taumbayan, nais nila na ipagpatuloy ni Commissioner Mendoza ang nagawang reporma ng lumisang komisyoner, ayusin at patatagin ang burukrasya, at laging tiyaking ang Bureau of Customs ay mananatiling institusyong nagsisilbi sa pambansang interes, hindi sa pansariling kapakinabangan ng iilan.
Ito ang bagong hamon na alam natin, mapagtatagumpayan ni Commissioner Mendoza, at tayo sa pahayagang ito, ay masiglang bumabati sa bagong tungkulin niya.
Kalakip ang panalangin at pangarap na magtagumpay siya bilang bagong komisyoner ng Aduana.
Tanggapin nawa nyo, Commissioner Mendoza ang pagtitiwala nating sa inyong mahusay na pagtupad sa tungkuling maingat ang koleksiyon at maging isang dinamikong lakas sa pagsulong at pag-unlad ng ekonomya ng ating bansang Pilipinas.
At naniniwala tayo, magtatagumpay ka, Sir Martin Mendoza!
Mabuhay ka at ang buong Bureau of Customs!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.