Advertisers
UMALMA si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa naging pahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano tungkol sa pananaw umano ng publiko na lahat ng nasa gobyerno ay magnanakaw.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Nobyembre 25, sinabi ni Lacson na hindi dapat idamay sa ganitong paglalahat ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na tapat na naglilingkod at hindi sangkot sa pagnanakaw ng pondo ng bayan o pagtanggap ng suhol.
Binigyang-diin ng senador na nagsasalita siya hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para rin sa iba pang halal at itinalagang lingkod-bayan na hindi naman sangkot sa korapsyon.
“I speak for myself and other public servants, elected or appointed, who don’t steal public funds or take bribes: HUWAG NAMAN SANA NIYA KAMI IDAMAY,” ayon kay Lacson.
Nag-ugat ang pahayag ni Lacson sa naging talakayan sa Senado noong Lunes, Nobyembre 23, kaugnay ng panukalang 2027 national budget at mungkahi ni Cayetano na payagan ang mga Pilipino na kusang magbigay ng pera bilang karagdagang pambayad sa utang ng bansa.
Ayon kay Cayetano, posibleng maraming Pilipino ang handang mag-ambag kung may mekanismo ang pamahalaan para rito.
Gayunman, problema umano ang kawalan ng tiwala ng publiko dahil nangangamba ang mga tao na baka hindi mapunta sa tamang paggagamitan ang kanilang ibibigay.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Cayetano na laganap ang pananaw na korap ang mga nasa pamahalaan kaya walang gaanong nahihikayat na magbigay ng donasyon.
Batay sa datos na binanggit sa deliberasyon, umabot na sa P19.66 trilyon ang pambansang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Setyembre 2026.
Para kay Lacson, hindi makatarungang madamay sa ganitong pananaw ang lahat ng lingkod-bayan dahil hindi naman nangangahulugang korap ang bawat opisyal at kawani ng pamahalaan.
Matatandaang mungkahi rin ni Cayetano na kailangang matiyak ang wastong paggamit ng pondo ng bayan at masusing pagbabantay sa mga utang ng gobyerno upang maibalik ang tiwala ng publiko.