Advertisers
NAGBANTA si Manila Mayor Isko Moreno na sisibakin ang mga opisyal ng barangay na mahuhuling pabaya sa ipinatutupad na health protocols.
Sa isinagawang emergency meeting kasama si Vice Mayor Honey Lacuna, mahigpit ang naging direktiba ni Moreno sa lahat ng opisyal ng city hall, barangay, at kapulisan na magtulong-tulong upang mapigilan ang pagkalat mg covid 19.
Ipinag-utos ni Moreno na limitahan sa 30% ang working capacity sa ilang opisina sa city hall subalit hindi kasama ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Department of Public Service, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare at lahat ng district hospitals.
Pinakansela rin ng alkalde ang lahat ng leaves, maliban ang medical leave ng mga pulis at inatasan ang MPD SWAT team na pangunahan ang pagpapanatili ng peace and order sa lungsod.
Tiniyak din ni Moreno na sapat ang bilang ng quarantine facilities sa Maynila.
Sa kasalukuyan, nasa 1,549 ang active cases ng covid-19 sa lungsod. (Jonah Mallari)