Advertisers
“DI nila matatakasan ang hustisya.”
Ito ang inaasahang mangyayari ni Presidential spokesperson Harry Roque patungkol sa mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na matutulad aniya sa sinapit ng mga German Nazis, na inilitis at naparusahan dahil sa kanilang mga krimen na nagawa noong World War II.
Inihayag ito ni Roque matapos mailabas ang mahigit 1,500 krimen at mga paglabag sa mga International Humanitarian Law (IHL) ng CPP-NPA-NDF, na ngayon ay kilala na bilang communist terrorist group (CTG).
“I’m sure po na gaya ng mga Nazis na maraming nagtago, yung iba uugod-ugod na e nahuli parin sila and 50 years later pinanagot pa rin sila. Kampante po ako na hindi po makakawala sa kanilang mga krimen ang mga CPP-NPA,” pahayag ni Roque sa media.
Kasunod ang pahayag ni Roque sa pag-aanunsiyo ng Commission on Human Rights (CHR) na iimbestigahan nito ang listahan ng mga paglabag sa IHL na isinumite ng Armed Forces of the Philippines-Center for the Law on Armed Conflict (AFP-CLOAC) sa ilalim ng pamumuno ni BGen. Jose Alejandro Nacnac.
Noong nakalipas na linggo, isinumite ni Nacnac kay CHR Commissioner Karen Dumpit ang listahan ng mga krimen kabilang ng daan-daang pagpatay ng CTG sa loob ng nakalipas na sampung taon. Kabilang dito ang 532 paninira ng mga pribadong ari-arian, pagpatay sa 77 opisyal ng pamahalaan, 296 sibilyan at 464 pagdukot sa mga kabataan upang sapilitang gawing child warriors.
Kaparehong ulat at listahan din ang ibibigay ni Nacnac kay Dany Merhy ng International Committee of the Red Cross (ICRC) Deputy Head of Delegation sa ginanap na AFP-ICRC IHL Integration Planning Workshop sa Baguio City nito lamang May 27.
“The 289 incident of willful killings conducted by the CTGs shows a widespread and systematic attack against civilians and is a clear violation of the IHL and RA 9851 as a crime against humanity,” pahayag ng AFP official.
Noong April 22 lamang, nagkapirmahan ang AFP at ICRC ng isang Memorandum of Understanding (MOU) upang palakasin ang koordinasyon ng tambalan ng dalawang institusyon para maipatupad ang IHL.
Para maumpisahan ang implemetasyon ng MOU, ang AFP at ICRC ay nagsagawa ng IHL Integration Planning Workshop sa Baguio City noong May 26-28. Ang layunin ng seminar ay makalikha ng magandang plano at ‘roadmap’ para sa integrasyon at paglalatag ng mga ‘organizational set-up’ sa mga pasilidad upang umusad ng maayos ang proseso.
Bukod sa prosekusyon, ang CTG ay maoobligang pagbayarin sa mga naging biktima nito ng mga paglabag sa karapatang pantao, pang-aabuso at mga pagpapahirap na aabot na sa bilyong dolyar na halaga.
Ipinaliwanag naman ni Undersecretary Severo Catura, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa larangan ng human rights, peace process, at international engagements, na sa ilalim ng mga lokal at internasyunal ng mga batas, ang mga masasangkot na pangkat sa mga panloob na kaguluhan sa bansa na mapapatunayang nakagawa ng mga pang-aabuso at pagpapahirap ay maaaring pagbayarin ng mga hukuman sa kanilang mga naging biktima.
Ang CPP-NPA ay inilista nang isang ‘terrorist organization’ ng bansang Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at ng Pilipinas.